Manila

MDRRMO ng Maynila nag-earthquake drill sa Intramuros

Jon-jon Reyes Jan 31, 2026
177 Views

NAGKAROON ng earthquake drill sa Intramuros, Manila na pinangasiwaan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) noong Sabado.

Si Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza at MDRRMO Director Arnel Angeles ang nagpatunog ng high-powered siren sa Manila City Hall para marinig sa layong 5 kilometer radius ang simula ng drill.

Ayon kay Mayor Isko, isa lamang ito sa marami pang earthquake drill sa Maynila bilang paghahanda sa pinangangambahang “The Big One.”

“We will do our best, with the MDRRMO team and other agencies of the government, to conduct this kind of exercise for our own good.

Daig ng maagap ang masipag kaya maghahanda tayo, gagamit tayo ng resources ng pamahalaan para sa kasanayan, at maging bahagi ito ng kaisipan natin na ‘yung posibilidad na mangyari ito, kaya kailangan laging aampatan,” sabi ni Mayor Isko.

Nagtalaga ang MDRRMO ng 11 camera sites upang masubaybayan ang mga pangyayari sa buong Intramuros. Gumamit din ng dalawang drones.

Hinihikayat ang lahat ng residente, mga tanggapan, ahensiya ng pamahalaan, pribadong opisina at iba pang institusyon sa Intramuros na makilahok at makipagtulungan sa gaganaping pagsasanay.

Bagama’t walang katiyakan kung kailan tatama ang isang lindol, hindi rin imposibleng makaranas nito ang Maynila.