Calendar
Magtatrabaho Saudi gamit pekeng travel docs, passport, edad nailigtas
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa human trafficking, nasagip ng mga awtoridad ang isang 17-anyos na muntik nang mabiktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Enero 24.
Sinubukang lumipad ni alyas “Zia” patungong Saudi Arabia via Dubai sakay ng Philippine Airlines upang magtrabaho bilang household service worker gamit ang pekeng dokumento sa biyahe, kabilang ang pasaporte, at inilagay din na siya’y 25-anyos.
Sa secondary inspection, iprinisinta ng pasahero ang kanyang birth certificate na nagpapatunay na siya ay 17-taong gulang lamang, kaya hindi siya kuwalipikado para sa overseas employment.
Lumabas sa imbestigasyon na narekrut ang biktima ng recruitment agency na nakabase sa Pasay City.
Nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) kung saan isinailalim ang biktima matapos masagip.
Binanggit ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na ang pagkakaligtas sa dalagita ay patunay ng matatag na paninindigan ng administrasyon laban sa pang-aabuso sa mga kabataang Pilipino.
“Hindi papayag ang administrasyong ito na lamangan ng mga trafficker at ilegal na recruiter ang ating mga kabataan,” sabi ni Viado.
“Nailigtas ang batang ito dahil ginawa ng ating mga opisyal ang kanilang tungkulin. Patuloy nating pipigilan ang ganitong mga modus sa ating mga paliparan, titiyakin ang proteksyon ng mga biktima at pananagutin ang mga salarin,” sabi ni Viado.

