MDSW

Mga Badjao ‘wag bigyan ng certification–MDSW sa mga punong bgy

Edd Reyes Jul 17, 2026
109 Views

NAGBABALA si Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa mga punong barangay na iwasang magbigay ng “certification” sa mga Badjao na inaasahang dadagsa sa Kamaynilaan pagpasok ng “Ber” months.

Ayon kay MDSW Director Jay Dela Fuente, may direktiba na si Mayor Isko Moreno na bantayan ang napipintong pagdagsa ng mga Badjao sa mga lansangan ngayong nalalapit na ang ber month.

Sa panayam ng mga miyembro ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) kay Dela Fuente, kahit araw-arawin pa nila ang pag-rescue sa mga Badjao at mga street dwellers, mabilis din silang nakakabalik sa kalye kapag may ipinakitang certification mula sa barangay na nagpapatunay na doon sila naninirahan.

Hindi lingid sa kaalaman ng MDSW chief na ilang mga opisyal ng barangay ang nagbibigay ng certification sa Badjao at maging sa mga pamilyang nasa lansangan dahil sa maraming kadahilanan, partikular na ang paggamit sa kanila bilang karagdagang botante.

“Ilang lang naman yang mga barangay chairman na yan, identified na namin sila kaya sinabihan ko na huwag na silang mag-isyu ng certification kung ayaw nilang masampahan ng kaso,” sabi ni Dela Fuente.