Mga Pinoy naniniwala na gaganda ang ekonomiya—OCTA Research

158 Views

NANINIWALA ang kalahati ng mga Pilipino na gaganda ang ekonomiya ng bansa sa susunod na anim na buwan, ayon sa survey ng OCTA Research.

Sa survey na isinagawa mula Marso 14 hanggang 28, nagsabi ang 50 porsyento na gaganda ang ekonomiya ng bansa mas mataas sa 46 porsyento na naitala sa survey noong Oktobre 2022.

Pinakamarami ang nagpahayag ng kumpiyansa sa Visayas (69 porsyento), iba pang bahagi ng Luzon (47 porsyento), National Capital Region (46 porsyento) at Mindanao (43 porsyento).

Ayon naman sa 40 porsyento wala silang nakikitang pagbabago sa ekonomiya ng bansa sa susunod na anim na buwan.

Nakikita naman ng 6 porsyento na bababa o hindi magiging maganda ang lagay ng ekonomiya sa susunod na anim na buwan, bumaba kumpara sa 10 porsyento na nagpahayag ng paniniwalang ito sa survey noong Oktobre.

Ang survey ay mayroong ±3% margin of error at 95% na confidence level. Ang survey ay kinomisyon ng Go Negosyo.