Quiboloy Pastor Apollo C. Quiboloy

Mga senador hinamon si Quiboloy na respetuhin ang korte

154 Views

HINAMON ng mga senador si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at lider na si Pastor Apollo C. Quiboloy na humarap na at magpakita ngayon na nakasampa na sa pormal na korte ang kanyang kaso.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ito na ang hinihintay ni Pastor Quiboloy na tamang lugar para humarap kaugnay ng mga akusasyon laban sa kanya, tulad ng alegasyon ng sekswal na pang-aabuso na ibinabato sa kanya ng mga dating miyembro ng KOJC.

Napapanahon ani Gatchalian na harapin niya ang mga kasong ito lalo’t nakadulog na ng pormal ang kaso sa korte ng Davao.

Kamakailan lamang ay nag-isyu na ng warrant of arrest and Davao Regional Trial Court para kay Quiboloy at iba pang mga kasama nito kaugnay ng kasong sexual abuse.

“Dapat galangin niya ang proseso. Ito ay formal court na puwede siyang magpaliwanag. Sa formal court, puwede niyang depensahan ang sarili niya. Sinasabi niya sa Senate at Congress ‘di naman formal court. Ngayon may warrant of arrest na nga siya from a formal court,” ani Gatchalian.

Napagalaman na bukod pa sa Davao ay nag-isyu na rin ang korte sa Baguio ng warrant of arrest laban kay Quiboloy noong March 14, ngunit ito ay sinagot ng mosyon ng kampo ng pastor at rekonsideration sa Department of Justice.

Para naman kay Senadora Risa Hontiveros, ipinagkaloob na ang kahilingan ni Quiboloy at iniimbitahan na aniya siya ng korte para humarap sa kanila, kaya’t dapat lamang magpakita ito gaya ng una niyang pahayag na sa korte lamang siya sasagot.

Gayunpaman, sinabi ni Hontiveros na sakaling magpakita na si Quiboloy ay hihilingin niya sa korte na dalhin si Quiboloy sa Senado upang makapagsalita, in aid of legislation, ng kanyang sagot sa mga alegasyon tulad ng rape at human trafficking.

Nanindigan si Gatchalian at Hontiveros na dapat igalang ni Quiboloy ang korte gayundin ang Senate committee on women, children, family relations and gender equality na siyang nagiimbestiga sa KOJC lider.