Misis Ang bikitma habang nagpapagamot sa Tondo Medical Center matapos pukpukin ng bato sa mukha at sa noo ng suspek sa Tondo, Manila.

Misis pinukpok ang mukha, noo ng ‘secret admirer’

Jon-jon Reyes Aug 24, 2025
330 Views

LIHIM na pagsintang nauwi sa pananakit at tangkang pagpatay sa biktima ang isa sa mga posibleng binubusisi ng mga awtoridad, matapos pukpukin ng bato sa mukha at sa noo ang isang ginang sa Tondo, Manila.

Ang suspek na nakilalang si alyas “Jopet” na 30-anyos na binata ay nahuli ilang oras nang inilatag ang “Oplan Pagtugis ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation.”

Nagtamo ng mga tahi sa mukha at sa noo sa Tondo Medical Center ang 30-anyos na biktimang si alyas “Rosalina” na isang tindera at may live-in partner.

Ayon kay Police Captain Ryan Jay Balagtas ng 10 Charlie Sector, dakong 4:40 ng madaling araw ng Sabado nang maganap ang insidente sa may Aroma Compound, Barangay 105, Tondo.

Sa inisyal na imbestigasyon at base sa salaysay ng biktima, biglang sumulpot ang suspek at sa walang anumang dahilan ay hinampas ng malaking bato ng maraming beses sa mukha ang biktima na nagresulta sa pagbagsak nito sa lupa.

Nakita ng saksi ang ginawa ng suspek na agad namang pinigilan. Pagkatapos ay tumakas ang suspek patungo sa hindi natukoy na lokasyon.

Kasunod nito, ang biktima ay isinugod sa Tondo Medical Center ng saksi. Ayon sa doktor, ang biktima ay nagtamo ng avulsed wound injury sa bahagi ng noo, periorbital confusion at abrasion sa right infraorbital area secondary to assault.

Bunsod ng insidente, agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng 10 Charlie Sector sa pangunguna ni Balagtas na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Lumalabas sa karagdagang imbestigasyon na sinabi ng saksi na bago ang insidente ay laging kumakatok ang suspek sa tirahan ng biktima sa hatinggabi na nakakaabala sa kanilang pagtulog.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong frustrated murder at ito’y nakakulong sa himpilan ng Manila Police District Raxabago Station 1 para sa inquest proceedings.