Pulis

Parak Maynila patay sa ambush sa Pasay

Edd Reyes Aug 24, 2025
346 Views

TODAS ang 39-anyos na pulis at sugatan ang dalawang bystanders nang pagbabarilin ng hindi nakilala at nakatakas na suspek noong Sabado sa Brgy. 90, Pasay City.

Namatay habang ginagamot sa Pasay City General Hospital si P/SSg. Jomar Caliguiran, naka-assign sa District Tactical Operations Center ng Manila Police District (DTOC-MPD), dahil sa mga tama ng bala sa dibdib, kili-kili at kaliwang braso.

Sa CCTV footage, nakaupo sa kanyang motorsiklo ang biktima sa tapat ng Meijale Advertising building sa kanto ng Taft Avenue at Primero de Mayo St. Brgy. 90 ng dumating ang suspek na naka-itim na helmet at jacket dakong alas-8:00 ng gabi.

Sunod-sunod na pinaputukan ng suspek ang biktima na nakatakbo pa at nakaganti ng putok subalit mabilis nakatalilis ang gunman na sumakay sa silver NMAX na motorsiklo na minamaneho ng naghihintay niyang kasabwat papunta sa hindi nabatid na lugar.

Sugatan naman nang tamaan ng ligaw na bala si alyas Alion at 64-anyos na lolo na si Mel, ayon sa report.

Bigo ang mga pulis na madakip ang mga suspek.