Calendar
LTO hina-hunting babaeng driver na nag-namedrop ng opisyal ng MMDA
INILAGAY ng Land Transportation Office (LTO sa alarm status ang Toyota Hi-Ace na dina-drive ng babae na nag-namedrop sa traffic enforcer ng isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) habang nakikipagtalo sa tapat ng La Salle Green Hills noong Agosto 8.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, iniimbestigahan na para makilala ang babaeng driver na nanermon sa MMDA enforcer na sumita sa kanya dahil sa tangkang pagsingit sa pila ng mga sasakyan sa tapat ng paaralan.
“Kapag natukoy natin ang pagkakakilanlan ng driver na ito at mapag-alamang mayroon siyang driver’s license, ito ay isasailalim sa 90-day suspension. Kapag wala siyang driver’s license or expired, mas malaking problema yun,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Naglabas na rin ng show cause order (SCO) laban sa kompanyang nagmamay-ari ng van.
Ang SCO ay bunsod ng reklamong natanggap ni LTO Executive Director Atty. Greg G. Pua Jr. mula sa MMDA hinggil sa naturang insidente.
Batay sa reklamo, tinangka ng babaeng driver na sumingit sa pila ng mga sasakyan ngunit pinigilan ng MMDA enforcer. Humantong ito sa mainit na komprontasyon kung saan tinangka umanong takutin ng driver ang enforcer sa pamamagitan ng pag-name-drop ng isang opisyal ng MMDA dahilan upang maantala rin ang maayos na daloy ng trapiko.
Inatasan ang kompanyang nagmamay-ari ng sasakyan na magtungo sa LTO Central Office sa Quezon City kasama ang kanilang kinatawan at ang babaeng driver sa Agosto 28. Pinagsusumite rin ang kompanya ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa pagbibigay-pahintulot na magmaneho ang isang taong walang galang at bastos sa kalsada.
Samantala, ang driver naman ay posibleng maharap sa kasong obstruction of traffic at pagiging improper person to operate a motor vehicle.

