Bangkay

Bangkay ng security guard lumutang sa La Mesa Dam

396 Views

NATAGPUANG nakalutang sa La Mesa Dam sa Quezon City ang bangkay ng 56-anyos na security guard nitong Linggo ng madaling araw.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 2:30 ng madaling araw nitong Linggo, (August 24), nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa likuran ng Guesthouse, La Mesa Dam, Brgy. Greater Lagro, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Bennette Stephen, nagsasagawa ng roving inspection ang kasamahang guwardiya ng biktima nang mapansin na wala sa kaniyang puwesto ang biktima.

Dahil dito, hinanap umano ng kasamahan na sekyu ang biktima, kasama ang iba pang security guard hanggang sa makita nila sa likod ng guesthouse ang katawan ng biktima na nakalutang sa La Mesa Dam.

Agad na iniulat sa mga awtoridad ang insidente at nagresponde ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) at naiahon ang bangkay ng biktima mula sa La Mesa Dam.

Dumating ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/Cpt. Darrel Ray Ebol BOL at sa pagsusuri ay walang nakitang foul play sa pagkamatay ng guwardiya.

Nabatid na ang biktima ay naka-duty sa Lamesa Dam Guest House mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga, at huling nakitang buhay bandang 5:30 ng umaga nitong Sabado (Agosto 23), habang nasa kanyang formation.