Calendar
Misis sa Pasay pinagselosan, tinarakan, muntik paglamayan
HIMALANG nabuhay ang babaeng tinarakan sa likod ng senglot niyang mister na nagseselos dahil sa hinalang may kalaguyo ang ginang noong Martes sa Pasay City.
Kinuyog ng ilang kalalakihan ang 44-anyos niyang mister upang hindi makatakas makaraan ang pananaksak at dinala sa ospital ang babae na ngayo’y ligtas na.
Sa ulat ng Pasay Police Sub-Station 7, lasing na ang suspek nang abangan sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. 184 Maricaban ang kanyang misis na galing sa lamay.
Dakong alas-11:00 ng gabi nang dumating ang biktima at kinompronta ng selosong asawa subalit dahil lasing na ang lalaki, tinalikuran na lamang ang mister na sa galit ay humugot ng patalim at inundayan ng saksak sa likod ang misis.
Napag-alaman na inireklamo na ng biktima ang asawa noong Abril sa barangay dahil din sa pagseselos na pinopost pa sa social media ang hinalang may iba ng mahal ang misis.
Aminado naman ang suspek sa nagawa at sinabing nais niyang humingi ng tawad sa misis kung mabibigyan siya ng pagkakataon.
Kasong frustrated parricide ang isinampa ng pulisya laban sa suspek na nakapiit na sa custodial facility ng Pasay City Police Station.

