MMDA

MMDA gagawing parke ilalim ng skyway ng NLEX sa Sta Mesa

Edd Reyes Aug 9, 2025
414 Views

PLANO ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gawing parke ang ilalim ng skyway ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Ramon Magsaysay Interchange sa Sta Mesa, Manila.

Humingi si MMDA Chairman Atty. Don Artes ng permiso kay Mayor Isko Moreno, sa pamamagitan ni City Engineer Arman Andres at Manila Parking and Traffic Bureau Director Dennis Viaje upang gawing parke ang lugar.

Sina Engr. Andres at Director Viaje ang kumatawan kay Mayor Isko Moreno sa ginanap na ceremonial switching ng sensor based traffic signal na inilagay ng pamunuan ng NLEX sa naturang lugar upang gawing parke ang ilalim ng skyway.

Ayon kay Chairman Artes, iminungkahi niyang malagyan ng parke ang lugar dahil maglalagay din sila nito sa ilalim ng Metro Manila Skyway sa Plaza Azul sa Pandacan na kanila ng naisagawa ang ground breaking ceremony.

“Baka po puwede, dito rin ay makapaglagay tayo ng park, para instead na ganito, medyo madilim, maalikabok, ay iko-convert po namin ito na lugar kung saan po ang ating mga kababayan, lalung-lalu na yung malalapit dito, ay may lugar na mapapasyalan.,” pakiusap ni Artes.

Ang planong paglalagay ng MMDA na mga parke sa ilalim ng mga skyway sa Pandacan at Sta Mesa ay bahagi ng kanilang proyektong Adopt-A-Park kung saan taon-taon ay naglalaan sila ng kinakailangang pondo upang masuportahan ang pagpapaunlad ng mga parke sa bawa’t lokal na pamahalaan.

Sabi pa ni Artes, makakatulong ang ilalagay nilang parke, hindi lamang sa pagpapaganda ng lugar knndi mabibigyan din ng lugar na malinis at ligtas ang bawa’t pamilyang mamamasyal o mag-eexercise.