Basura Tinatanong ng pulis ang biktima habang nagpapagaling matapos mabaril sa hita ng pamangkin ng kanyang asawa sa Tondo, Manila.

Tiyuhin binaril ng pamangkin sa hita dahil sa away sa basura

Jon-jon Reyes Aug 8, 2025
280 Views

KASALUKUYANG nagpapagaling ang isang 59-anyos na biktima matapos barilin ng nakatakas na suspek at pamangkin ng asawa ng biktima na nagtalo tungkol sa tamang pagtatapon ng basura sa Asuncion St., Brgy. 13, Tondo, Manila noong Biyernes.

Nakilala ang biktima na si alyas Cesar at si alyas Jess, 39, ang tinuturong suspek sa pamamaril.

Bandang alas-7:40 ng umaga nakatangap ng tawag sa telepono si PCpl. Jazam Dela Cruz mula sa Gat Andres Bonifacio Medical Center tungkol sa isang lalaking biktima ng pamamaril.

Rumesponde si PCpl Jonathan Abad, duty investigator at tumuloy sa ospital.

Sa salaysay ng biktima, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng suspek hinggil sa tamang pagtatapon ng basura.

Kinaumagahan habang bumibili ng almusal ang biktima biglang sumulpot ang suspek at sinuntok siya ng ilang beses.

Tumakbo palayo ang biktima at sinubukang tumakas. Habang tumatakas ang suspek bumunot ito ng baril at biglang pinaputukan ang biktima na tinamaan sa kaliwang hita.