Killer

Move It rider killer napatay sa selda? Fake news — NPD

Edd Reyes Jul 19, 2026
193 Views

PINABULAANAN ng Northern Police District (NPD) ang nag-viral sa social media na may napatay sa selda na killer ng Move It rider sa Caloocan City na siya ring nangholdap at nanaksak ng grab driver sa Malabon City.

Sa text message ni NPD Public Information Office (PIO) chief P/Lt. Rachelle Raymundo, nag-verify sila sa Malabon City Police Station kung saan nakadetine ang suspek at sinabing fake news ang kumakalat sa social media.

Nagpadala rin ng mensahe si Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth upang pabulaanan ang kumakalat na balita kung saan makikita na nagtatanong din ang nag-post kung totoo na napatay sa bugbog ng kapwa persons deprived of liberty (PDL) ang suspek sa loob ng kulungan.

Magugunita na pinagsasaksak ng ice pick ng 43-anyos na suspek na si alyas Jeffrey ang sinakyan niyang rider na si Fabio Norberte Jr. noong Hulyo 14 sa Brgy 14, Caloocan bago tinanangay ang motorsiklo ng biktima at muling nangholdap at nanaksak ng grab driver sa Malabon City kung saan siya nagulpi ng mga humabol na kalalakihan.