MPD

MPD pinaigting operasyon vs sa mga kriminal, 4 nasukol

Jon-jon Reyes Sep 18, 2026
129 Views

APAT na magkakahiwalay na operasyon ng Manila Police District (MPD) ang nagresulta sa pagsisilbi ng mga warrant at pagkakaaresto sa mga indibidwal na nahaharap sa magkakaibang kaso, kabilang ang large-scale illegal recruitment, robbery at iba pang paglabag sa batas.

Unang naisilbi ng Delpan Police Station (PS-12) ang warrant laban sa isang 40-anyos na lalaking kabilang sa Most Wanted Person sa station level habang nasa kustodiya ng Makati City Jail.

Nahaharap ang akusado sa kasong large-scale illegal recruitment sa ilalim ng R.A. 8042, na inamyendahan ng R.A. 10022. Ayon sa police report, walang inirekomendang piyansa sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court sa Makati City.

Samantala, nagsagawa ng follow-up operation ang Pandacan Police Station (PS-10) kaugnay ng iniulat na robbery sa isang bahay sa Pandacan. Sa tulong ng imbestigasyon at pagsusuri sa CCTV footage, natukoy at kalauna’y naaresto ang isang 23-anyos na suspek.

Kabilang sa iniimbestigahang insidente ang pagkawala ng isang .38 revolver. Ang mga detalye at ebidensya kaugnay ng insidente ay sasailalim sa kaukulang imbestigasyon at legal na proseso.

Sa isa pang operasyon, naaresto ng Moriones Tondo Police Station (PS-2) sa Sta. Cruz ang isang 46-anyos na lalaki sa bisa ng warrant kaugnay ng paglabag sa P.D. 1602, as amended by R.A. 9287.

Nagtakda ang korte ng ₱30,000 piyansa para sa nasabing kaso.

Naaresto rin ng Meisic Police Station (PS-11) sa pamumuno ni Police Lt.Col. Leopoldo B Cajipe Jr, sa Barangay Tandang Sora, Quezon City ang isang 37-anyos na wanted person sa bisa ng warrant para sa Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code. Tatlong libong piso ang inirekomendang piyansa.

Sa pagpapatupad ng mga warrant, gumamit ang mga operatiba ng Alternative Recording Devices (ARD) alinsunod sa umiiral na patakaran ng Korte Suprema, at ipinaalam sa mga akusado ang kanilang constitutional rights.

Ang mga operasyong ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Manila Police District sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Atty. Arnold Casingal Santiago, RCrim., DPA, District Director, MPD, laban sa kriminalidad at mga wanted person.

Sa ilalim naman ng pamumuno ni OIC NCRPO PBGen. Christopher N. Abrahano, patuloy ang focused at intelligence-driven police operations, pinalakas na police visibility at mabilis na pagtugon upang makatulong sa pagpapanatili ng seguridad sa Metro Manila, kasabay ng mahigpit na pagtalima sa due process at umiiral na batas.

Ang mga kasong nabanggit ay sasailalim sa kaukulang proseso ng hukuman at prosekusyon. Ang mga akusado ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa hukuman.