Bomb

QC binantaang may kahina-hinalang bagay sa CR ng city hall

129 Views

NEGATIBO sa anumang hazardous materials o explosive devices ang Quezon City Hall compound matapos magsagawa ng masusing inspeksyon ang QCPD kasunod ng naiulat na bomb threat na ipinost sa Facebook page ng Quezon City Government.

Sa naturang post, sinabi umano ng indibidwal na may inilagay na kahina-hinalang bagay sa loob ng isang comfort room sa Quezon City Hall.

Agad na ipinagbigay-alam ng lokal na pamahalaan ang insidente sa QCPD at sa Safety and Security Cluster ng lungsod.

Bilang bahagi ng security protocols, nagsagawa ang QCPD ng masusing paneling operation at inspeksyon sa loob ng Quezon City Hall compound, kabilang ang mga gusali nito.

Gayunman, idineklarang negatibo sa anumang hazardous materials o explosive devices ang lugar matapos ang isinagawang pagsusuri.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang QCPD, katuwang ang PNP Anti-Cyber Crime Group, upang matukoy ang pinagmulan ng naturang banta.

Pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na seryosong tinutugunan ang mga banta, online man o sa iba pang paraan, at hinimok ang lahat na iwasang magpost ng mga peke o walang batayang banta dahil maaari itong magkaroon ng kaukulang pananagutan sa batas.

Samantala, hinikayat ng QCPD ang sinumang may mahalagang impormasyong may kaugnayan sa insidente na agad itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad o tumawag sa QC Helpline 122.