Rice

MSRP sa 5% broken rice nasusunod–DA

Cory Martinez Dec 28, 2025
207 Views

NANANATILING P43 kada kilo ang 5 percent broken imported rice, ang maximum suggested retail price (MSRP) sa naturang bilihin, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Ito ang tiniyak ng kalihim habang kinukumpleto ng pamahalaan ang mga panuntunan para sa pagtaas ng taripa sa importation ng bigas.

Ayon kay Tiu Laurel, ipapatupad sa Enero 16 ang pagtaas ng rice import duties sa 20 porsyento mula sa kasalukuyan 15 porsyento upang makatipid sa mga regulatory at procedural requirements.

“We have to complete the process before raising the tariff,” sabi ni Tiu Laurel.

Binigyang-diin niya na dapat sumunod sa mga policy action ang paggalaw ng presyo at hindi dapat pangunahan ang mga ito.

Dumating sa naturang desisyon ang pamahalaan dahil patuloy itong kumikilos upang maging mas matatag ang presyo ng palay matapos ang ilang taong pressure mula sa tuloy-tuloy na rice import.

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang apat na buwang moratorium sa rice importation noong Setyembre upang masuportahan ang mga farmgate price sa kasagsagan ng wet season harvest na nagsimula noong Oktubre.

Umabot sa 4.8-milyong metriko tonelada ang rice import noong nakaraang taon, na naging dahilan sa pagbaba ng presyo ng palay sa P8 kada kilo sa ilang lugar bago ang ban.

Simula nang ipatupad ang ban, nakabawi ang presyo ng palay na umabot sa P17 kada kilo sa wet palay at P23 kada kilo sa dry palay sa ibang mga rehiyon.

Nagkasundo ang DA at mga rice industry stakeholder na higpitan ang import management lalo na sa summer harvest na kasagsagan ng produksyon at inaasahang makakatulong ang mga miller sa mga farmgate price.

Kapag matatapos na ang import ban sa Disyembre 31, papayagan ang pag-angkat ng initial volume na 500,000 metriko tonelada ng bigas.

Sa bilang na ito, ilalaan ang 50,000 metriko tonelada sa Food Terminals Inc.

Plano ng NFA na bumili ng wet palay sa halagang P17 kada kilo at dry palay sa P21 kada kilo sa harvest season sa Marso.

Dagdag ng kalihim na layunin ng temporary price hold na iwasan ang pagkalito sa merkado habang isinasapinal pa ang tariff adjustment.