Zubiri

N. Mindanao binisita ng pinakamalaking delegasyong EU ambassadors

152 Views

NAGING host ang Northern Mindanao ng itinuturing na delegasyon ng European Union ambassadors at senior EU officials na bumisita sa rehiyon, matapos dumating ang 16 na miyembro ng diplomatic mission upang tingnan ang kalagayang pang-ekonomiya, mga prayoridad sa kaunlaran, at sitwasyon ng kapayapaan at seguridad.

Kabilang sa delegasyon si EU Ambassador Massimo Santoro, 13 ambassadors, at dalawang chargé d’affaires, na aniya’y pinakamalaking EU diplomatic mission na sabay-sabay na nagtungo sa Northern Mindanao.

“This is historic for Northern Mindanao. Pinakamalaking delegation ito ng EU ambassadors at chargé d’affaires na pumunta dito: a total of 16 including EU Ambassador Massimo Santoro,”ani Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Ang pagbisita ng delegasyon ay nagpapakita ng mas malalim na interes ng Europa na maunawaan ang kalagayan ng rehiyon, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad sa Cagayan de Oro at Bukidnon. “Kapag ganyan karami ang pumunta, we can only see one, singular message: they want to understand the region, meet the people on the ground and see where partnerships can actually happen,” ani Zubiri.

Ipinaliwanag niya na pangunahing layunin ng misyon ang pagrepaso sa mga kasalukuyang proyekto at partnership ng EU sa Northern Mindanao. Nakipagpulong ang delegasyon sa mga lokal na grupo tulad ng Liceo de Cagayan, mga lokal na pamahalaan, Kauyagan Savers Multipurpose Cooperative, at iba pang community cooperatives upang talakayin kung paano ipinatutupad ang mga programa at kung saan pa maaaring palakasin ang suporta.

Dagdag pa niya, nagsilbi ring venue ang pagbisita para sa taunang retreat at planning session ng EU, kasunod ng kanyang imbitasyon sa mga ambassador at senior EU officials. Tinulungan ng mga local project partners na buuin ang itinerary na kinabibilangan ng courtesy calls, cultural activities, at site visits.

“Our goal here is very, very simple: ipakita natin kung ano ang kaya ng Northern Mindanao, but at the same time be honest about what we need to unlock like bigger investments and better livelihoods for our people,” ayon kay Zubiri.

Bilang kinatawan ng Bukidnon, binigyang-diin ni Zubiri ang papel ng lalawigan sa suplay ng pagkain ng bansa. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority na binanggit sa mga ulat, tinatayang umabot sa P129.03 bilyon ang agriculture, forestry, at fishing output ng Bukidnon noong 2024, o humigit-kumulang 7.3 porsiyento ng kabuuang produksyon ng bansa.

Tinukoy rin ni Zubiri ang patuloy na suporta ng European Union sa lumalawak na coffee sector ng Bukidnon, kung saan ang ilang produktong ipinakita sa exhibit sa Kaamulan Open Theater ay bunga ng EU-backed partnerships sa mga lokal na kooperatiba. Ayon sa kanya, nagpahayag ang delegasyon ng kahandaang palakasin pa ang suporta para sa mga programang nagpapataas ng kita ng mga magsasaka, nagpapabuti ng quality standards, at nagpapalawak ng market access.

“Maraming salamat sa EU for the trust and the steady support, lalo na sa ating farmers who produce coffee na talaga namang world-class at award-winning. Malaking bagay na nandito sila mismo at nakikita nila yung ginagawa ng mga tao on the ground, at handa pa silang dagdagan ang suporta,” ani Zubiri.

Kasama sa delegasyon sina Mme. Claudia Batacchi, asawa ni EU Ambassador Santoro; H.E. Dr. Titanilla Toth ng Hungary; H.E. Raduta Dana Matache ng Romania kasama ang asawa nitong si Mr. Constantin Matache; H.E. Marielle Geraedts ng Netherlands; H.E. Dr. Johann Brieger ng Austria kasama ang asawa nitong si Mme. Roswitha Brieger; H.E. Franz-Michael Skjold Mellbin ng Denmark kasama ang asawa nitong si Mme. Eva Wollerup Fischer Mellbin; H.E. Dr. Andreas Michael Pfaffernoschke ng Germany kasama ang asawa nitong si Mme. Marina Pfaffernoschke; H.E. Marie Fontanel ng France; H.E. Karel Hejc ng Czech Republic kasama ang asawa nitong si Mme. Michelle Louise Hejcova; H.E. Davide Giglio ng Italy kasama ang asawa nitong si Dr. Anna Lisa Ghini; H.E. Emma Hickey ng Ireland; H.E. Saija Nurminen ng Finland; H.E. Anna Ferry ng Sweden; H.E. Vladislava Iordanova ng Belgium kasama ang asawa nitong si Mr. Jonas Decloedt; Ms. Anna Krzak-Danel, Chargé d’Affaires ad interim ng Poland kasama ang asawa nitong si Consul Tomasz Danel; at Mr. Pedro Llinas, Chargé d’Affaires ad interim ng Spain.

Kasama rin sa EU delegation sina Ms. Agata Nowicka, deputy head of mission; Mr. Frederic Grillet, political officer; Ms. Alicia Louro Pena, programme manager; Ms. Alix Wurdak, programme manager; at Ms. Pauline Michelle Quinto, assistant sa Political, Press and Information Section.

Ayon kay Zubiri, naging pagkakataon din ang pagbisita upang ipakita na bukas ang Northern Mindanao sa turismo at patuloy na pinapalakas ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon. “Pinapakita natin sa mundo na open ang Northern Mindanao sa turismo at sa opportunities, at higit sa lahat, safe at tahimik ang mga lalawigan natin,” aniya.

Dagdag pa niya, ang pagbisita ng mga ambassador at kanilang mga asawa sa mga lugar sa Bukidnon ay maaaring makatulong sa pag-alis ng negatibong travel advisories. “Unti-unti na rin sanang mawala sa travel notice ng mga bansang gaya ng US at Canada ang Northern Mindanao, lalo na’t mismong mga spouses ng EU ambassadors ang nag-tour sa Bukidnon at dumaan sa Del Monte pineapple plantation, Dahilayan Mountain Resort at Communal Ranch,” ani Zubiri.

“Maraming salamat sa buong EU delegation sa paglalaan ng oras para makilala ang Northern Mindanao. Umaasa tayo na tuloy-tuloy pa ang mas malalim na partnership, mas matibay na tiwala at mas konkretong pagtutulungan para sa Mindanao,” dagdag pa niya.