Calendar
Namaril ng 2 pinsan, tiklo sa QC
ARESTADO ang lalaking itinuturong isa sa tatlong suspek sa pamamaril sa dalawa niyang pinsan na ikinasawi ng isa noong Sabado sa Quezon City.
Kinilala ang nasawing biktima na si alyas Vince, 21, construction worker, habang sugatan naman ang pinsan na si Richard, 36.
Agad namang naaresto ang pinsan ng mga biktima habang tinutugis pa ang mga kasabwat nito.
Sa ulat ng Payatas Bagong Silang Police Station (PS-13) ng Quezon City Police District (QCPD), alas- 8:00 ng gabi noong Sabado naganap ang pamamaril sa kanto ng Sierra Madre at Madjaas Sts., Brgy. Payatas.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Ariel S Traspe, pinuntahan ng mga biktima sa Sierra Madre St. ang pinsan nila at pinag-usapan ang kanilang trabaho.
Matapos mag-usap ay lumabas na ng bahay ang mga biktima, kasama ang kanilang pinsan nang dumating ang dalawang armadong suspek.
Sa hindi pa malamang kadahilanan, biglang bumunot ng ‘di pa batid na kalibre ng baril ang isa sa mga suspek at pinagbabaril ang mga biktima saka tumakas.
Isinugod ang mga biktima sa East Ave. Medical Center pero idineklarang dead- on-arrival ang isa sa kanila habbang patuloy pang inoobserbahan ang isa pang biktima.
Sa follow-up operations ng PS 13, sa pamumuno ni P/Lt. Steve M. Maico, naaresto ang pinsan ng mga biktima habang tinutugis pa ang umanoy mga kasabwat nito.

