Caregiver

Nangnenok sa lolo, caregiver arestado

Edd Reyes Aug 13, 2026
120 Views

KALABOSO ang sinapit ng babaeng caregiver ng nakawin umano ang mga gintong alahas at palitan ng boodle money ang pera ng may kapansanang lolo sa Brgy. San Antonio, Makati City noong Miyerkules.

Natuklasan ang kabulastugan ng babae ng suriin ng pamilya ng 77-anyos na lolo ang kanyang bag na pinaglalagyan ng pera at alahas alas-7:00 ng gabi noong Miyerkules.

Natuklasan na wala na ang gintong bracelet at singsing, habang pinalitan ang pera ng ginupit na papel na binalutan ng scotch tape upang magmukhang makapal.

Nang komprontahin, umamin ang suspek at isinoli ang P15,000 sa biktima at isinuko rin ang kanyang iPhone sa pag-asang mapatawad.

Hindi na naibalik ng suspek ang mga alahas na nagkakahalaga ng P300,000 at ang natitira sa P594,787 na kanyang ninenok kaya’t ipinadakip siya sa mga tauhan ni Southern Police District (SPD) director P/BGen. Glenn Oliver Cinco dakong alas-8:40 ng gabi.

Nang makarating sa kaalaman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin ang pangyayari, pinuri niya ang mga pulis.