Calendar
Nasaan na ang machong si Sen. Bato?
DISMAYADO ang mga ordinaryong manggagawa nang malamang tuloy ang sahod ni Senator Bato Dela Rosa kahit hindi pumapasok para gampanan ang kanyang trabaho sa Senado.
Halos isang buwan ng “no-show” sa Senado si Sen. Bato mula nang ilutang ni Ombudsman Crispin Remulla noong Nobyembre 8 na may warrant of arrest na ang Senador mula sa International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity.
Nasaan na nga ba ang machong si Bato na kamakailan ay hinamon pa nga si dating Senator Antonio Trillanes IV na sumama pa sa pagsisilbi ng arrest warrant sa kanya at kung gusto ay siya pa ang mag-posas sa Senador kapag may warrant of arrest na ang ICC. “Go ahead, make my day,” hamon pa nga niya.
Nauna pa ngang sinabi ni Bato noon na mas gusto niyang samahan sa selda si dating Pangulong Rodrigo Duterte para maalagaan pero lumalabas na pa-macho lang at bola lang ito ng senador dahil tila nangaykay sa takot nang lumutang na may warrant of arrest na laban sa kanya gayung hindi naman ito kinumpirma pa ng ICC.
Maging ang napakahalagang deliberasyon nga pagpapasa ng budget ng Department of National Defense, Philippine Drug Enforcement Agency, National Intelligence Coordinating Agency, at National Security Council na siya ang sponsor ay hindi nya nagampanan.
Sabi tuloy ng marami, sayang lang ang boto nila kay Bato dahil maaga nitong tinalikuran ang kanyang tungkulin bilang mambabatas at ang masakit pa, tuloy ang sahod niya mula sa buwis ng taumbayan.
——-
Mga batang mag-aaral, pasok na sa YAKAP program ng PhilHealth
KASALI na sa programang Yaman ng Kalusugan o YAKAP ang 44,301 na mag-aaral mula elementarya hanggang senior high school sa Navotas matapos mapasama ang 250,000 residente, na ayon sa PhilHealth ay pinakamataas na bilang sa buong Metro Manila.
Sinabi ni Mayor John Rey Tiangco na patunay ito ng dedikasyon ng kanilang mga health workers na aktibong nagtataguyod ng programa upang matiyak na maging prayoridad ng mga Navoteños, lalu na ng mga estudyante, ang maalagaan ang kanilang kalusugan at kanilang pamilya.
Kabilang sa mga benepisyo ng YAKAP ang libreng konsultasyon, hanggang P20,000 halaga ng gamot, laboratory at cancer screening test, at iba pang pangunahing pangangailangang ng kalusugan.
—–
Mga Green Zone Park sa Navotas, nadagdagan pa
APAT na ang naipapatayong Green Zone Park ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Navotas City na napapasyalan at nagiging pahingahan ngayon ng bawa’t pamilya matapos mai-turn over noong nakaraang linggo ang bagong parke sa R-10, Brgy. NBBN.
Sa apat na sunod na taon mula 2021, 2022, 2023, at 2025, nagawa ng MMDA sa ilalim ng Adopt-a-Park Program ang apat na parke sa Navotas City na ayon kay Mayor John Rey Tiangco ay nagtataglay ng espesyal na kahalagahan dahil nae-enjoy na ito ng mga residente at nagsisilbi ring atraksiyon sa mga dumadayo sa lungsod.
Nagpasalamat si Mayor Tiangco kay MMDA Chairman Atty. Don Artes sa patuloy na suporta at pakikipagtulungan para maging mas livable at mas environmentally resilient ang kanilang komunidad at tanging hiling lang niya sa mga residente na alagaan ang parke at ituring na parang extensiyon ng kanilang sariling tahanan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
