Calendar
Kausap ni Mayor John Rey Tiangco ang isa sa mga advocacy booth na lumahok sa programang Walang Plastikan 2025 na kinatampukan ng pag-awit ng mga imbitadong banda ng musika.
Navotas naglunsad ng ‘Walang Plastikan’ ’25
INILUNSAD ang “Walang Plastikan” ’25 program na naglalayong bawasan ang paggamit ng plastic noong Sabado sa Navotas Convention Center sa Navotas City.
Katuwang ng Navotas sa programa ang EcoWaste Coalition at Smöl Productions na nagtatampok sa mga advocacy booths at concert na nilahukan ng mga music bands.
Ipinaalala ni Mayor John Rey Tiangco ang masamang epektong dulot ng mga basurang plastik sa ecosystem sa baybayin ng karagatan.
“Ang Walang Plastikan ay hindi lang concert o fair; ito’y hamon para sa ating lahat. Mahirap maging plastic-free at zero waste. Pero unti-unti, kaya natin,” dagdag pa ng alkalde.
Ayon sa alkalde, may ilang mga paraan ng ipinatutupad para mabawasan ang paggamit ng plastic gaya ng ginagawa ng 14 Juana Zero Waste Stores na may refilling stations sa mga bibili ng suka, toyo, asin, at bigas para himukin ang mga residenteng magdala ng kanilang lalagyan.
“Bilang isang fishing community, mahalaga sa atin ang kalusugan ng ating karagatan. Ang plastik ay nagiging microplastics na napupunta sa dagat, kinakain ng isda, at sa huli, tayo at ang pamilya natin ang kumakain nito.
Ang ating panata: Iwasan ang plastic, alagaan ang dagat at proteksyunan ang susunod na mga henerasyon. Sama-sama tayong magsasabing, Walang Plastikan,” dagdag ng mayor.

