BOC

Nepomuceno humingi ng tulong kay Lacson para sa full automation ng Customs

SUPORTADO ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ang inisyatiba ng bagong Commissioner ng Bureau of Customs (BOC) na si Ariel Nepomuceno na isulong ang full automation ng mga sistema ng ahensya.

Sa isang panayam, isiniwalat ni Lacson na nakipagpulong sa kanya si Nepomuceno noong Martes upang hilingin ang kanyang tulong sa pagsasaayos ng mga proseso sa BOC.

“I met with BOC Commissioner Ariel Nepomuceno. I’m glad he asked for help in automating the bureau’s systems. I said it is good that he made such a request because you can be more efficient and save a lot in tax collections once the BOC is fully automated,” sabi ng senador.

Bagama’t may ilang bahagi na ng ahensya ang computerized, binigyang-diin ni Lacson na malaki pa rin ang pangangailangan para sa kabuuang automation. Ang presensya ng human intervention sa mga proseso ay patuloy na nagiging daan sa katiwalian, sabi ng senador.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang kawalan ng automation ay nagdudulot ng hindi pagkakatugma sa import at export records sa pagitan ng Pilipinas at mga trading partners nitong mga bansa.

Ikinuwento rin ni Lacson na sa ilalim ng nakaraang administrasyon, tinanong niya ang isang dating opisyal ng Customs kung bakit hindi pa naisusulong ang automation.

Sinabi ng opisyal na kinakailangan ng ahensya ng P15 bilyon upang maisakatuparan ito. Gayunpaman, nang humiling si Lacson ng detalyadong listahan upang magamit sa realignment ng pondo, walang naisumiteng dokumento ang BOC.

Sa pagtatapos, muling iginiit ni Lacson na ang computerization ay hindi sapat kung hindi sasabayan ng full automation.

“Computerization is just a part of improving collection efficiency. It should be in tandem with automation,” giit ni Sen. Lacson.