Oducado

Oducado nakikiisa sa pagsusulong ng panukalang batas para itatag ang DFAR

Mar Rodriguez Oct 8, 2025
107 Views

NAKIKIISA si 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nats” M. Oducado sa pagsusulong ng panukalang batas sa Kamara de Representantes upang itatag ang Department of Fisheries and Aquatic Resources (DFAR).

Sinabi ni Oducado na panahon na para magkaroon ng departamento sa pamahalaan na tututok sa kagyat na kalagayan at kagalingan ng sektor ng mangingisda kasama na dito ang pagsusulong ng mga programa magpapaunlad sa industriya ng pangingisda.

Ipinaliwanag ng kongresista na kailangan ang pagbubuo ng DFAR sapagkat napakalawak aniya ang industriya ng pangingisda kung saan ito ay umaabot mula Appari hanggang Jolo, sa Luzon, Visayas at iba’t-ibang parte ng Mindanao.

Ayon kay Oducado, ang itatatag na DFAR ay hihiwalay sa Department of Agriculture at hahayaan ang DA na tutukan ang napakalaking industriya ng agrikultura kung saan ang pangingisda ay dating nasa ilalim ng pangangasiwa ng DA.

Dahil dito, tiniyak ni Oducado na makakaasa ang sektor ng mangingisda na tutulong ang 1-TAHANAN Party List upang maisakatuparan ang pagbubuo ng DFAR sa pamamagitan ng pakikiisa nito para agad na mapagtibay ang panukalang batas.

Kinikilala ng mambabatas ang malaking sakripisyo ng mga mangingisda kabilang na ang mga stakeholders upang mas lalo pang mapagbuti ang industriya ng pangingisda.

“Alam din natin na malaking hamon ang kasalukuyang kinakaharap ng industriya ng pangingisda. Alam din na hindi biro ang mga sakripisyong ginagawa ng lahat ng stakeholders upang makamit ang paglago ng industriya ng pangingisda. Kami sa 1-TAHANAN ay sang-ayon at kakampi niyo sa pagsusulong sa Kongreso ng panukalang DFAR,” wika ni Oducado.