Calendar
Odukado umapela sa mga sikat na celebrities na mag-ingat sa pag-eendorso ng online gambling
UMAAPELA si neophyte 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado sa mga sikat na celebrities na maghinay-hinay sa pagtanggap nila ng mga “offer” para mag-endorso at i-promote ang online gambling.
Ayon kay Oducado, ang kaniyang panawagan sa mga sikat at hinahangaang celebrities ay kasunod ng naging mensahe ng kaniyang kapwa mambabatas sa privilege speech nito sa Plenaryo patungkol sa problema ng online gambling sa ating bansa.
Sinabi ni Oducado na hindi mahihinto ang lumalalang problema ng online gambling kung ang mga sikat na celebrities ang mismong nag-eendorso o nagsisilbing mga “influencers” nito sa halip na sila ang manguna upang ito ay tuluyan ng mahinto.
Pagbibigyan diin ng kongresista na magiging hungkag lamang ang all-out-war ng gobyerno laban sa online gambling kung sa kabila ng kanilang maigting na kampanya ay mayroong mga artista ang humihikayat sa mga Pilipino na tumaya sa naturang sugal.
Dahil dito, iginigiit ni Oducado na sa halip na mag-endorso ng online gambling ang mga hinahangaang celebrities mas makabubuting makipag-tulungan na lamang sila sa pamahalaan para hikayatin ang kanilang mga tagahanga na umiwas sa online gambling.
Ipinaliwanag ni Oducado na dapat gamitin ng mga celebrity ang kanilang kasikatan hindi parang manghikayat ng mga Pilipino na tumaya sa online gambling. Bagkos, para imulat ang mga ito masamang epekto na idinudulot nito.
Ipinahayag pa ng 1-TAHANAN Party List solon na kabilang sa mga gambling apps na ini-eendorso ng mga sikat na celebrities kasama na ang ilang beauty queen ay Bingo Plus, Arena Plus, OKBet at Stake Comm kung saan marami aniyang mga Pilipino ang mas lalong na-eengyangyong tumaya sa mga nabangit na sugal.
“Ito na nga ang nakakagulat sa sitwayong ito. Ang gobyerno ay kumikilos para mahinto ang online gambling sapagkat maraming kabataan ang nasisira ang buhay nang dahil dito. Pero ito tayo, may mga artista naman ang nag-eendorso. So, paano ito mahihinto kung ganito ang mangyayari,” sabi ni Oducado.

