Calendar
OFW Party List naglunsad ng kampanya sa Batangas, Cavite sa pagsisimula ng national campaign
LIAN, BATANGAS — KASABAY nang pag-arangkada ng mga national candidates o mga tumatakbo sa pagka-Senador, hindi nagpahuli ang OFW Party List matapos nitong ilunsad ang kandidatura nito bilang Kinatawan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Pinangunahan ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pangangampanya nito para sa ikalawang termino bilang Kinatawan ng mga OFWs sa Kamara makaraang dayuhin nito ang lalawigan ng Cavite at Batangas sa kaniyang “kick-off” campaign rally para manligaw ng boto sa mga Cavitenyo at Batanggenyo.
Ang paglulunsad ng campaign rally ni Magsino sa dalawang lalawigan mula sa Timog Katagalugan ay kinatampukan ng pakikipag-pulong nito sa mga lokal na opisyal ng Cavite at Batangas kabilang na ang grupo ng mga OFWs para hingiin ang kanilang suporta at boto.
Nabatid kay Magsino na ang kaniyang mga ninuno ay nagmula sa Batangas kung kaya’t sinimulan nito ang unang sultada ng kaniyang pangangampanya sa bayan ng Lian, Batangas kung saan nakipagkita ang kongresista kay Mayor Joseph Peji para sa isang courtesy call kasama na ang mga Municipal Councilors.
Sinabi ng mambabatas na nakipagkita at nakipagpulong din siya sa mga department heads at mga miyembro ng farmer’s association kung saan ipinahayag nito na ang mga OFWs ang nagsisilbing “gulugod” ng ating ekonomiya dahil sa kanilang napakalaking kontribusyon.
Ang sunod naman na pinuntahan ni Magsino ay ang bayan ng Nasugbu matapos itong salubungin ni Mayor Tony Barcelon kabilang na ang lahat ng Municipal Council. Habang nagtungo din siya sa mga bayan ng Agoncillo, Calatagan, Balayan, Tuy at Lemery.
Ayon kay Magsino, pinasasalamatan nito ang kaniyang mga kapwa Batanggenyo na nagpahayag ng kanilang solidong suporta para sa OFW Party List sapagkat maaaring nararamdaman at nakikita na nila ang mga programa at adbokasiyang isinusulong nito sa Kongreso.
“Our OFWs are the backbone of our economy and while they toil aboad. We must ensure their families here at home are also supported. It is heart warming to see strong support of our OFW families to our advocacy,” wika ni Magsino sa kaniyang campaign rally.
Pagkatapos nang kaniyang campaign sortie sa Batangas ang sunod naman na dinayo ng mambabatas ay ang bayan ng Cavite kung saan ang unang tinungo nito ay ang General Emilio Aguinaldo kung saan dumalo siya sa multi-sectoral meeting na ginanap sa OFW Multi-Purpose Building na dinaluhan ng mga taga-pangulo ng mga sectoral groups.