OFWs-beneficiaries ng 4PH program kay PBBM: Maraming, maraming salamat

Jun I Legaspi Apr 12, 2026
243 Views

NAGPASALAMAT ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs)-beneficiaries ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil nagbigay-daan ang programa para magkaroon sila ng sariling tahanan matapos ang pagtatrabaho sa ibang bansa.

Si Rosemarie Libanan, OFW sa Saudi Arabia sa loob ng 18 taon, ay masayang ibinahagi ang kanyang pananabik na makita ang kanilang unang sariling bahay sa Crystal Peak Estates sa Pampanga.

“Wala pa kaming sariling bahay dati… ito ang pinakaunang-una… matagal na kaming naghahanap kaso parang di ko pa kaya noon kasi ang bigat sa buwanan,” sabi ni Libanan.

Sa Nueva Ecija, si Sharon Joy Capio, asawa ng isang OFW sa Japan, ay nagpasalamat matapos matanggap ang kanilang unit sa Palayan City Township Project.

“Masaya po kami na nagkaroon na kami ng sariling bahay… nakikitira lang po kami dati sa pamilya namin,” ani Capio.

Kabilang sa mga unang benepisyaryo ng Palayan City Township Project ang mga OFW na sina Jeremy Leyno, pintor sa Japan; at Madelaine Ann Mallare, nurse sa Saudi Arabia.

Pareho nilang ipinaabot ang pasasalamat kay Pangulong Marcos Jr. para sa programang pabahay.

Sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund, tinanggal ang salary cap para sa mga OFW at isinama sila sa mga prayoridad na benepisyaryo na may subsidized interest rate na 3%.

“Malinaw ang direktiba ni Pangulong Marcos Jr.—gawing mas abot-kaya, mas mabilis, at mas accessible ang pabahay para sa bawat Pilipino, kabilang dito ang ating mga bagong bayani na OFWs.

Sa pamamagitan ng Expanded 4PH, binibigyan natin sila ng pagkakataon na maranasan ang bunga ng kanilang sakripisyo—isang sariling tahanan na maaari nilang uwian,” ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.

Patuloy ang pagpapatupad ng Expanded 4PH Program sa iba’t ibang panig ng bansa upang mas maraming Pilipino–lalo na ang mga OFW–ang magkaroon ng ligtas, disente at abot-kayang tahanan.