Martin

Ordinaryong Pinoy, ekonomiya makikinabang sa Japan trip ni PBBM

222 Views

ANG ekonomiya at ang mga ordinaryong Pilipino ang magbebenepisyo sa mga pangakong pamumuhunan na nakuha ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa working visit nito sa Japan.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez bilyun-bilyong halaga ng investment pledge ang nakuha ni Pangulong Marcos mula sa mga opisyal ng malalaking kompanya na nakabase sa Japan.

“The President is really working hard to promote the Philippines to Japanese investors and businesses. And with the warm reception he is receiving, I am confident that he would achieve more significant gains in the few remaining days of his working visit to Japan,” sabi ni Speaker Romualdez.

Sa pagdating ng Pangulo noong Miyerkoles ay agad itong nakipagkita sa mga negosyante sa dinner na inihanda ng Mitsui & Co. at Metro Pacific Investments Corporation.

Nang sumunod na araw, nakipagkita naman ang delegasyon ng Pangulo sa mga opisyal ng mga kompanya na gumagawa ng semiconductor, electronics, at wiring harness.

Sinabi ni Speaker Romualdez na nagpakita rin ng interes ang mga tourism stakeholder na nakabase sa Japan matapos ang presentasyong ginawa ng Pangulo kaugnay ng mga inisyatiba na ginawa ng Pilipinas para mas maraming turista ang bumisita.

Ang Japan ang ika-anim sa listahan ng pangunahing pinanggagalingan ng mga dayuhang bisita ng Pilipinas.

“These are encouraging development that would eventually redound to the benefit of tens of thousands of Filipinos, in terms of new jobs and business opportunities that would further drive our economic growth,” ani Speaker Romualdez.

Si Romualdez ay bahagi ng opisyal na delegasyon ni Pangulong Marcos sa working visit nito sa Japan. Tatagal ang pagbisita roon ng mga opisyal ng Pilipinas sa Pebrero 12.