Rubio

P1.4B halaga ng smuggled na sigarilyo narekober sa Sulu

184 Views

NAREKOBER ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P1.4 bilyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo na nakatago sa isang warehouse sa Indanan, Sulu.

Ang mga sigarilyo ay mayroon umanong iba’t ibang brand gaya ng B&E ice menthol, New Far menthol, Souvenir menthol, Cannon menthol, BroadPeak black menthol at Bravo.

Nakalagay umano ang mga ito sa 19,000 master cases na nakaimbak sa warehouse sa Sitio Buotan, Kajatian.

Pinasok ng mga otoridad ang warehouse sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na ipinalabas ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.

Dinala ang mga nakumpiskang sigarilyo sa Zamboanga sa tulong ng barko ng Philippine Navy vessel.

Ito ang pinakamalaking halaga ng nakumpiskang smuggled na sigarilyo sa isang operasyon sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Kasama sa operasyon ang mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service at the Manila International Container Port (CIIS-MICP), Western Mindanao Command-Armed Forces of the Philippines (WESMINCOM-AFP), 11th Infantry Division, Philippine Army (11ID PA), Philippine Air Force-Special Operations Wing (PAF-SPOW), Joint Task Force (JTF)-Sulu, Philippine Navy-Naval Special Operations Unit (PN-NAVSOU), at PN Naval Forces Mindanao.