Basag

P20K, ATM, IDs hinarbat ng Basag-Kotse gang

Bernard Galang Mar 16, 2026
215 Views

CALUMPIT, Bulacan–Umatake uli ang mga pinaniniwalaang miyembro ng Basag-Kotse gang at naharbat ang P20,000, halo-halong IDs, tatlong automated teller machine (ATM) cards at susi sa sasakyan ng biktima noong Sabado sa isang subdivision sa bayang ito.

Ayon sa ulat ng Calumpit police, ipinarada ng biktimang si Abbey Louie Cabrera, 40, ang kanyang kulay abong Toyota Innova (TIY 457) sa isang kalye sa Villares Subdivision bago dumalo sa misa.

Bumalik si Cabrera sa kanyang sasakyan at nadiskubreng basag na ang kanang bintana sa passenger side.

Napag-alaman niyang nawawala na ang kanyang bag na naglalaman ng P20,000, driver’s license, national ID, Professional Regulation Commission (PRC) ID, company ID, tatlong ATM cards at ilang susi.

Iniulat ng biktima ang insidente sa mga pulis na nagsagawa ng pagsusuri sa closed-circuit television (CCTV) footage upang matukoy at maaresto ang hindi pa nakikilalang suspek.