Calendar
Camp Malvar nagkaroon ng Kadiwa ng Pangulo
NAGLUNSAD ng Kadiwa ng Pangulo program sa Kampo Miguel Malvar, Batangas City ang Batangas Police Provincial Office (BPPO) noong Biyernes sa pamumuno ng hepe ng BPPO.
Ang nasabing aktibidad ay isinakatuparan sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture Region IV-A at pinangunahan ng Provincial Police Community Affairs and Development Unit, ayon kay P/Col. Marlon Rufo, hepe ng BPPO.
Isinasagawa ang Kadiwa ng Pangulo bilang bahagi ng inisyatiba upang masiguro ang tuloy-tuloy at mas pinalawak na access sa sariwa, de-kalidad at abot-kayang produktong agrikultural at mga pangunahing bilihin para sa kapakinabangan ng mga pulis at ng komunidad.
Layunin din nitong mapatatag ang ugnayan ng mga mamimili at mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante.
Ang Kadiwa ng Pangulo ay mahalagang programa ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong isulong ang food security, suportahan ang sektor ng agrikultura at maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ipinakikita ng BPPO ang suporta nito sa mga adhikain ng pamahalaan at ang malasakit sa kapakanan ng kapulisan at mga Batangueño, alinsunod sa layunin ng PNP.

