Arrested

P300K na shabu nasamsam sa 14 na tulak

Steve A. Gosuico Jul 8, 2026
43 Views

CAMP GEN. MARIANO N. LLANERA, Cabanatuan City-– Labing-apat na drug suspek ang naaresto habang halos P300,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska ng Nueva Ecija Police Provincial Office noong Miyerkules, ayon kay Nueva Ecija police chief Col. Ritchie Claravall.

Ang buy-bust nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang umano’y tulak at pagkakumpiska ng 27.70 na gramo ng shabu na may halagang P188,360.

Sa iba pang operasyon na ikinasa ng Talavera, Gapan City, Sto. Domingo, Cabiao, San Jose City, Jaen, Gen. M. Natividad at Rizal police, ay nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 11 pang hinihinalang tulak sa droga at pagkumpiska ng 14.44 gramo ng shabu katumbas ng P98,192.

Isang lalaki ang naharang sa checkpoint sa Brgy. Don Mariano Marcos, Jaen at inaresto matapos matuklasan ang humigit-kumulang 25 gramo ng dahon ng marijuana na may halagang P3,000 sa motorsiklong kanyang sinasakyan.

Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ngayon ng pulisya at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).