Calendar

Pacman pinangunahan selebrasyon ng ika-27 Founding Anniversary ng Davao de Oro
PERSONAL na tinungo ni “Pambansang Kamao” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ang Nabunturan, Davao de Oro matapos nitong pangunahan ang selebrasyon dito ng ika-18 Bulawan Festival.
Kasabay ng Bulawan Festival, nanguna din si Pacquiao sa pagdiriwang ng ika-27 Founding Anniversary ng Davao de Oro kung saan nagbigay ng makabuluhan at inspirational message ang dating Senador para sa libo-libong residente ng lalawigan.
Sa kaniyang mensahe sa harap ng napakaraming manonood kabilang na ang mga lokal na opisyal ng lalawigan, binigyang diin ng tinaguriang “the People’s Champ” ang pagpapanatili ng Davao de Oro sa kanilang napakayamang kultura o cultural heritage kasunod ang paghuhubog sa magandang kinabukasan ng lalawigan.
Sabi ni Pacquiao na hindi lamang mayaman ang Davao de Oro sa likas na yaman bagkos napakayaman din nito sa kasaysayan at kultura habang ang kasipagan at pagsisikap naman ng mga mamamayan ng lalawigan ang magdadala sa kanila sa kaunlaran.
Pagdidiin pa nito na kumukuha siya ng inspirasyon mula sa mga mamamayan ng Davao de Oro sapagkat hindi aniya matatawaran ang ipinapakita nilang sipag at tiyaga kaya hindi malayong mas lalo pang uunlad ang lalawigan sa darating na hinaharap.
“Ang Davao de Oro ay hindi lamang mayaman sa likas na yaman kundi pati sa kasaysayan at kultura. Ang ating pagkakaisa at sipag ang magdadala sa atin sa mas maunlad na hinaharap.
Nakakabilib po talaga ang sipag at tiyaga ng mga mamamayan ng lalawigang ito,” wika ni Pacquiao.
Bilang advocate ng anti-poverty o kontra karukhaan, ipinahayag din ni Pacquiao na nauunawaan nito ang halaga ng pagsisikap at pananalig dahil hindi aniya hadlang ang anumang hamon sa buhay hangga’t mayroong determinasyon na maka-ahon sa kahirapan.
“Bilang isang taong nagmula sa simpleng buhay. Naiintindihan ko ang halaga ng pagsisikap at pananalig, hindi hadlang ang anomang hamon basta’t may determinasyon ang isang tao na maka-ahon sa kahirapan at kasama na ang pagkakaisa,” sabi pa ni Pacquiao.
Nagpahayag naman ng solidong suporta ang mga mayor ng 2nd District ng Cebu City para kay Pacquiao. Naniniwala ang mga alkalde na malaki ang maitutulong ng dating senador sakaling mabibigyan siya ng pagkakatong muling makapaglingkod.