Vic Reyes

Pag-usad ng impeachment complaints vs VP Sara tuloy-tuloy na pag-usad

Vic Reyes Mar 22, 2026
227 Views

MAPAGPALANG araw sa lahat ng ating mambabasa.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan, lalo ma sa mga kabayan natin sa Gitnang Silangan kung saan ay may giyerang nagaganap.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Winger dela Cruz, Glenn Raganas, Mama Aki ng Ihawan, Endo Yumi, La Dy Pinky, Roana San Jose, Josie Gelo,Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Tino Belen, Delia Sunga ng Saudi Arabia. Mag-iingat kayo!

God Bless!

***

Malaki ang maitutulong ng mga kumpiskado, abandonado at forfeited items na puwedeng ipagbili sa pamamagitan ng public auction.

Kasama na ang mga sasakyan, lalo na ang mga luxury vehicles na mapatunayang illegally imported.

Ang proceeds ng mga public auction ay mapupunta sa kaban ng bayan na gagamitin naman ng gobyerno para pondohan ang mga proyekto at programa nito.

Ang ibang produkto ay puwedeng ibigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ipamahagi sa mga evacuation centers.

Sa Biyernes (Marso 27) ay labing-isang luxury vehicles ang isusubasta ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Manila (POM).

Ang public auction ay magsisimula ng 10 a.m. sa POM Conference Room.

May kabuuang halaga na P265.9 milyon ang mga sasakyan, na puwedeng makita ng “interested buyers” hanggang Marso 26.

Ang mga isusubastang sasakyan ay Rolls Royce Cullinam 2021, Bentley Continental 2022, Mercedes Benz S680 Maybach 2023, BMW X6 2023, Jeep Wrangler 2021, Lexus 2019, Ferrari SF90 Stradale 2024, Rolls Royce Phantom 2023, Mercedes Benz G650 2022, BMW XM 2024 at Lexus Lx570 2018.

Ang ilan sa mga luxury vehicles ay mga nakumpiska sa mga Discaya dahil sa kakulangan o huwad na dokumento.

***

Mukhang tuloy-tuloy na ang pag-usad ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Tama lang ang desisyon ng mga kongresista na sumunod sa utos ng Korte Suprema na sundin ang prosesong iniutos ng huli tungkol sa impeachment.

Dahil sinusunod ang proseso, inaasahang maita-transmit ang impeachment sa Senado sa madaling panahon.

Ayon sa mga nagsusulong ng impeachment sa Kamara de Representante, meron silang sapat na numero para maaprobahan sa plenaryo ang impeachment ni VP Duterte.

Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas, ang mga senador ang magko-conduct ng trial at magpapasiya kung may kasalanan o wala si VP Sara.

Mas mainam na bilisan ang proseso para kung walang kasalanan ang Bise Presidente ay ma-absuelto na siya.

At kung mapataunayan namang may kasalanan, dapat matanggal na siya sa puwesto para matapos na ang usaping ito.

(Para sa komento at suhestiyon, mag-text sa #+63 9178624484/ email:philipreyes08@yahoo.com.)