Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Edd Reyes

Ipagdasal natin na matapos na ang giyera sa Gitnang Silangan

Edd Reyes Mar 25, 2026
195 Views

WALANG puwang ang sinumang masungit at palasigaw na kawani sa Pamahalaan sa Lungsod ng Valenzuela at maging sa ahensiya ng gobyerno na may tanggapan sa pamahalaang lungsod.

Binigyang-diin ito ng tanggapan ng pampublikong impormasyon matapos magpakita umano ng kagaspangan ng ugali ang isang kawani mula sa Revenue District Office ng Bureau of Internal Reveue (BIR) na may tanggapan sa Bulwagang Geronimo Angeles sa New City Government Complex ng Valenzuela sa MacArthur Highway, Brgy. Karuhatan.

Kamakailan lang kasi, marami ang nakasaksi sa pagpapakita ng kagaspangan ng ugali ng isang kawani ng Revenue District Office (RDO) na naninigaw sa mga nagtatanong kaugnay sa babayaran nilang buwis.

Ayon sa Public Information Office (PIO) hindi kukunsintihin ni Mayor Wes Gatchalian ang mga ganitong uri ng pag-uugali ng mga kawani na itinuturing pa namang mga lingkod bayan, kahit pa nga sa ibang ahensiya ng pamahalaan sila nakatalaga na may tanggapan sa kanilang lungsod.

”Just a reminder, the people of Valenzuela City should not treat those who applied for tax or asked questions with disrespect. If that is how you treat taxpayers, you should not be in that position,” ang matatag na pahayag ng PIO.

Baka nalilimutan nitong kawani ng RDO ng BIR na sa buwis na ibinabayad ng taxpayers kinukuha ang tinatanggap nilang sahod at allowance at sa malaking bahagi rin nito nagmumula ang pondo ng pamahalaan sa pagtustos sa mga proyektong pang-imprastraktura, pagkakaloob ng lahat ng uri ng serbisyo at tulong pinansiyal sa mamamayan.

Sa katunayan nga, nito lang nakaraang linggo, ay namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng tig P1,500 educational assistance sa may 15,848 na nagtapos sa mga pampublikong paaralan sa lungsod, kabilang ang 10,620 na nagtapos sa elementarya at 5,228 na nagtapos sa Grade 12 Senior High School.

Baka naman walang anak na nag-aaral sa pampublikong paaralan ang masungit na kawani kaya hindi niya ramdam ang malasakit sa estudyante ni Mayor Wes Gatchalian.

Mga kompanya ng langis sa bansa, tumiba ng husto sa mataas na presyo

TUMIBA ng husto, hindi lang ang mga malalaking kompanya ng langis sa bansa, kundi maging ang mga independent oil companies sa tatlong sunod na linggo na mega oil price hike bunsod ng giyera sa Gitnang Silangan.

Mismong ang Department of Energy (DOE) nga ang nagkumpirma na may naka-imbak na langis ang bansa na tatagal hanggang katapusan ng Abril na nangangahulugan na nabili na ito ng mga lokal na kompanya at nabayaran na ng buwis kaya dapat ay ibenta nila ito sa tamang halaga.

Pero paliwanag ng DOE, kahit pa nabili ito ng mga kompanya ng langis sa murang halaga, susunod pa rin sila sa dikta ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan tulad din naman kapag natapyasan ang halaga sa world market, ito pa rin ang susundin nila kahit nabili nila ang langis sa mataas na halaga.

Sa ilalim kasi ng R.A. 8479 o ang Oil Deregulation Law, wala ng kontrol ang pamahalaan sa presyuhan ng produktong petrolyo para raw maisulong ang kompetisyon. Pero malinaw na bigo sa layunin ang naturang batas dahil pare-pareho rin ang ginagawa nilang pagtataas at pagbabawas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Kapag ibabasura kasi ng pamahalaan ang naturang batas at ibalik nila sa gobyerno ang kontrol sa presyo ng langis, kailangan nila ang malaking pondo na paghuhugutan ng subsidiya kapag tumaas ang halaga na mabigat na pasanin sa pananalapi ng bansa.

Ipagdasal na lang natin na matapos na ang giyera sa Gitnang Silangan para kahit papaano ay makabawi kahit unti-unti ang ekonomiya ng buong mundo.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com