Calendar
Pagbabawal ng pagbenta ng junk foods, pagkain sa masama sa kalusugan ng mga bata isinulong
LALONG lumalala ang “health crisis” sa Pilipinas na pinatunayan mismo ng mga “health experts” dahil ang mga bata sa kanilang murang edad ay mayroon ng sakit sa puso. Kaya naman inihain ang isang panukalang batas na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga junk foods at iba pang klase ng pagkain na masama sa kalusugan ng mga kabataan.
Ikinababahala ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V ang maagang pagkakasakit ng mga kabataan partikular na ang mga batang nasa murang edad pa lamang ay mayroon ng sakit sa puso bunsod ng mga tinatawag na “unhealthy foods”.
Kaya isinulong nito ang House Bill No. 1146 o ang “Healthy Canteen Law” na naglalayong mahigpit na ipagbawal ang pagbebenta o promotion ng mga junk foods at matatamis na inumin sa mga estudyante sa loob ng isang pampubliko at pribadong paaralan na nakakasama sa kanilang kalusugan.
Ipinaliwanag ni Dy na nais niyang pangalagaan at siguraduhin na mapo-protektahan ng Kamara de Representantes ang kalusugan ng mga kabataan sa pamamagitan ng kaniyang panukalang batas upang maipagbawal ang mga hindi masusutansiyang pagkain na kinagigiliwan ng mga kabataan.
Aminado si Dy na kung alin pang pagkain ang makabubuti sa kalusugan ng mga kabataan gaya ng gulay ay iyon pa mismo ang kanilang inaayawan. Samantalang ang mga pagkaing masama naman sa kanilang kalusugan ang siyang tinatangkilik at kinagigiliwan nila tulad ng mga junk foods.
Sinabi pa ng kongresista na tumatalima lamang siya sa inilabas na Department Order No. 13 ng Department of Education (DepEd) para tiyakin na ang mga pampubliko at pribadong paaralan ay naglalaan ng masustansiyang pagkain at inumin sa kanilang mga mag-aaral na nagbibigay ng positibong epekto sa kanilang kalusugan.
“Inihain po natin ang HB No. 1146 o ang Healthy Canteen Law. Ang panukalang batas na nagbabawal sa pagbebenta o promosyon ng mga junk food at matatamis na inumin sa loob ng isang pampubliko at pribadong paaralan. Alinsinod ito sa Department Order No. 13 ng DepEd,” ayon kay Dy.