Pagdedo sa Munti pulis, misis iimbestigahan na

Alfred Dalizon Sep 17, 2024
80 Views

INIIMBESTIGAHAN na ng mga awtoridad ang posibilidad na paghihiganti ang ugat ng pagpatay kay Police Captain Aminoden Mangonday at kanyang asawa sa Muntinlupa City noong Lunes.

Ayon sa Southern Police District, tinutukan ng baril ng suspek si Cpt. Mangonday, hepe ng Community Affairs Section ng Muntinlupa Police, at binaril sa katawan bago pinuntirya ang asawa nito at kanilang 12-anyos na anak.

Si Mangonday, 40, binaril sa ulo habang si Mary Grace, 40, tinamaan ng dalawang beses. Parehong namatay ang mag-asawa sa crime scene.

Matapos ang pamamaril, binalingan ng suspek ang anak na babae ng mag-asawa at binaril sa mukha. Ginagamot sa isang ospital at binabantayan ng mga pulis ang biktima.

Naganap ang pamamaril bandang ala-1:10 ng madaling araw sa bahay ng mga biktima sa Ilaya St., Tierra Villas, Alabang.

Ayon sa mga saksi, tinatayang 5’9 ang taas, mahaba ang buhok at naka-itim na jacket at pantalon ang suspek.

Wala umanong kaaway si Cpt. Mangonday at involved sa networking business ang asawa.

Ayon kay Brigadier General Leon Victor Z. Rosete, director ng Southern Police District, ipinag-utos na niya kay Col. Robert Domingo, hepe ng Muntinlupa Police, na tiyaking walang palalampasin sa imbestigasyon.

Dagdag pa ni Col. Domingo, ang kanyang mga tauhan nagsasagawa na ng follow-up operations para madakip ang suspek.

Kilalang mabuting opisyal ang pinatay na pulis at recipient ng iba’t-ibang parangal tulad ng Outstanding Police Service Award 2024 at Best Policeman of the Year.

Sinabi ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon na: “We condemn in the strongest terms the brazen attack on the family of PCpt. Maminoden Mangonday which has resulted in the death of the police officer and his wife and the wounding of his daughter.”

Pinapasilip na ng pulisya ang mga CCTV footage sa lugar upang makahanap ng ebidensiya laban sa mga salarin.