Calendar
Source: Cebu People’s Action Center
Paghahanap sa mga biktima ng Cebu landslide patuloy; 1 patay
HINDI bababa sa 20 indibidwal hanggang sa mahigit 30 iba pa ang pinangangambahang patay sa naganap na landslide sa isang landfill noong Huwebes ng hapon sa Barangay Binaliw, Cebu City.
Ito ang inihayag ni Consolacion Mayor Teresita Alegado, batay sa ulat ng rescuers sa lugar.
Ayon sa alkalde, labis siyang nalulungkot dahil karamihan sa mga biktima ng landslide ay residente ng kanilang bayan.
Sa ngayon, isa ang kumpirmadong patay sa insidente, 38 ang nawawala at 12 ang nailigtas at agad na dinala sa pagamutan.
Patuloy din ang ginagawang search and rescue operation ng mga tauhan ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Fire Brigades, local government units (LGUs) at non-governmental organizations (NGOs).
Naka-antabay din sa lugar ang 17 ambulansya at 10 bumbero.
Naniniwala rin ang alkalde na hindi maayos na tambak ng basura ang dahilan ng landslide sa landfill.
Kuwento ng alkalde, bago magdilim kahapon ay nakakarinig pa sila ng tinig mula sa mga natabunan subalit nang magdilim na ay unti-unti na ring nawawala ang mga tinig.
Kaugnay nito, umapila ang alkalde sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tugunan ang reklamo ng lokal na pamahalaan ng Consolacion kaugnay ng negatibong epekto ng landfill sa lugar.
Dapat aniya ay maging vigilant ang DENR sa mga reklamo ng LGUs at kailangan aksyunan ito agad.
Hindi aniya dapat ipagwalang bahala ang mga reklamo ng residente partikular na ang mga taga-Brgy. Panoypoy sa kalagayan ng landfill, bukod pa sa water contamination na dulot nito sa lugar.
Samantala, sinabi naman ni Cebu City Mayor Nestor Archival na 110 empleyado ng landfill ang apektado ng pagguho.
Sa nasabing bilang, 38 ang nawawala at isang 22-anyos na babae ang kumpirmadong nasawi.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang search and rescue operation sa lugar.
Matatandaan na noong Huwebes ng hapon nang gumuho ang lupa sa landfill na matatagpuan sa Brgy. Binaliw sa nasabing lungsod.

