Calendar
Pagpapalawig sa Walang Gutom Kitchen ng DSWD suportado ng House Committee on Poverty Alleviation
SUPORTADO ng chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang panawagan ng kapwa nito mambabatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang palawakin pa nito sa buong bansa ang programang “Walang Gutom Kitchen”.
Sabi ni Romero na optimistiko siya sa nasabing programa ng DSWD sapagkat epektibo nitong masusulusyunan at matutugunan ang problema ng kagutuman kasabay ng pagpapa-angat sa pamumuhay ng mahihirap na Pilipino.
Ayon sa kongresista, umaasa siya na pag-aaralan ng DSWD kung papaano pa nila mapapalawig o mapapalawak ang programa nitong Walang Gutom Kitchen upang mas maraming mahihirap na mamamayan ang maserbisyuhan nito habang nakahanda naman ang Committee on Poverty Alleviation na suportahan ang naturang programa.
Paliwanag pa ni Romero na laging nakahanda ang kaniyang Komite na suportahan ang lahat ng programa at inisyatiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang unti-unting labanan ang gutom at kahirapan sa bansa.
Batay naman sa datos ng DSWD, mahigit na sa 10,000 indibiduwal ang nabiyayaan ng mainit at masustansiyang pagkain mula sa soup kitchen mula ng ilunsad ang programa noong nakaraang taon (2024).
Umaasa naman si Romero bilang Chairman ng Committee on Poverty Alleviation at advocate ng anti-poverty na mas lalo pang mapapaunlad ng DSWD ang kanilang programa para maserbisyuhan ang dumaranas ng kahirapan sa buong bansa.