Asistio

Pagpapataw ng multa laban sa mga illegal na magtatapon ng basura suportado ni Asistio

Mar Rodriguez Sep 24, 2025
382 Views

SINUSUPORTAHAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio ang naging aksiyon ng Metro Manila Council (MMC) matapos nitong aprubahan ang pagpapataw ng P5,000 multa laban sa mga residenteng mahuhuling illegal na nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar.

Nauna rito, matatandaan na inilatag ni Asistio ang konsepto ng “pera sa basura” makaraang hikayatin nito ang mga Local Government Units (LGUs) sa buong bansa na ikonsidera nila ang “monetization” sa aspeto ng garbage collection para mapakinabangan ang bulto-bultong basura.

Ayon sa kongresista, ang iminumungkahi nitong kita sa basura ay sa pamamagitan ng pagbili ng LGUs sa nakokolektang basura ng mga residente sa kani-kanilang na maaari pang i-recycle na naglalayong matugunan ang problema ng basura na nagiging sanhi ng mga pagbaha lalo na sa Metro Manila.

Ipinaliwanag ni Asistio na habang hindi pa pormal na naisasagawa at naipapatupad ng mga LGUs ang kaniyang mungkahi. Malaking bagay din naman ang magagawa ng pagpapataw ng multa laban sa mga pasaway na mamamayan na balahura at walang pakundangan sa pagtatapon ng kanilang basura kung saan-saan lugar na nagiging sanhi ng mga pagbaha.

Pagbibigay diin ni Asistio na ang inaprubahang resolusyon ng MMC ay naglalayong mapigilan ang mga pagbaha sa National Capitol Region (NCR) at mga karatig lugar dulot ng mga kalat-kalat na basura dahil sa mga walang disiplinang mamamayan na nagtatapon ng kanilang basura kung saan na lamang nila maisipang itapon.

Iginigiit ng Metro Manila solon na kung hindi didisiplinahin ang mga pasaway na mamamayan sa tamang pamamaraan ng pagtatapon ng knilang basura. Hindi parin matatapos ang problema ng mga pagbaha sa NCR dahil sa mga nakabarang basura sa mga estero, ilog, creek at kanal.

Sinabi ni Asistio na marahil ay madadala ang mga mamamayan na mapapatawan ng multa sapagkat matututo silang disiplinahin ang kanilang sarili.