Security WALANG SECURITY THREAT – Pinagmamasdan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (gitna, nakatayo) ang pamamahagi ng mga discounted Beep card para sa mga estudyante sa Light Rail Transit-2 Legarda Station sa Maynila noong Setyembre 20. Ayon sa Malacañang nitong Miyerkules, muling magpapatuloy si Pangulong Marcos sa kanyang mga pampublikong aktibidad nitong linggo, at iginiit na walang banta sa kanyang seguridad. Photo: PCO

Palasyo: Walang banta sa Pangulo, PBBM tuloy ang serbisyo

306 Views

MULING magpapatuloy si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang mga pampublikong aktibidad nitong linggo matapos ang ilang araw na walang opisyal na pagharap sa publiko, ayon sa Malacañang nitong Miyerkules, at binigyang-diin na walang banta sa kanyang seguridad.

Ayon sa Palasyo, abala ang Pangulo sa mga pribadong pagpupulong sa loob ng Malacañang.

“Busy po ang Pangulo sa mga private meeting sa Palasyo at sa susunod po hanggang Sabado ay marami po siyang gagawin pong paglabas at magkakaroon po siya ng mga events,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro sa isang media briefing.

Nang tanungin kung dahil sa isyung pangseguridad ba kaya walang pampublikong aktibidad ang Pangulo, sagot ni Castro: “Wala po.”

“Sa ngayon po ay wala pong direct threat na nakikita at nararamdaman ang Pangulo at ang gobyerno at nagkataon lamang po siguro na wala pong activities,” dagdag niya.

Ang huling pampublikong pagharap ng Pangulo ay noong Sabado, kung saan inihayag niya ang pagbabalik ng P60 bilyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila, at ipinakita ang student Beep cards sa Light Rail Transit line 2 (LRT-2).  Philippine News Agency