Volcano

Pagyanig, paggalaw ng materyales sunod-sunod sa Mayon Volcano

101 Views

PATULOY ang mataas na aktibidad ng Mayon Volcano matapos maitala ang sunod-sunod na pagyanig at paggalaw ng materyales sa loob ng bulkan, ayon sa pinakahuling monitoring ng Phivolcs.

Sa datos ng Phivolcs nakapagtala ng 8 volcanic earthquakes, 497 rockfall events, at 50 pyroclastic density current (PDC) signals o uson — malinaw na indikasyon na aktibo ang bulkan at may banta ng biglaang pagbuga.

Napansin din ang crater glow o banaag sa tuktok ng bulkan, na senyales na ang magma ay nananatiling malapit sa ibabaw.

Samantala, pumalo sa 3,217 tonelada kada araw ang sulfur dioxide (SO₂) emission, patunay ng tuloy-tuloy na paglabas ng volcanic gas. Naiulat din ang katamtamang steam plume na napadpad sa kanluran-hilagang kanluran, hilagang-kanluran, at kanluran-timog-kanluran.

Bukod dito, naitala rin ang pamamaga ng bulkan (ground deformation) na indikasyon ng tumataas na pressure mula sa ilalim.

Dahil dito, sinabi ng Phivolcs na nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan.

Ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagpasok sa six-kilometer radius o ang permanent danger zone, pagpasok ng walang pag-iingat sa extended danger zone, at paglipad ng anomang aircraft malapit sa bulkan.

Patuloy namang nakaantabay ang mga awtoridad at binabantayan ang sitwasyon sakaling magkaroon ng mas matinding pag-aalburoto ang bulkan.