Villanueva

Cabrera: Posibleng nadoble bilang sa kita ni VP Sara

24 Views

INAMIN ng financial forensic analyst ng prosekusyon na si Atty. Alexander Cabrera na posibleng nadoble ang bilang sa bahagi ng kita ni Vice President Sara Duterte sa kanyang ulat.

Lumutang ito nang usisain ni Senator-judge Joel Villanueva ang Table 23 ng ulat, matapos ang cross-examination ng depensa sa impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Villanueva, kasama na sa pinagsamang kita ng mag-asawa ang personal na kita ng Bise Presidente, pero mukhang idinagdag pa itong muli sa naturang table.

Tinaya ni Cabrera na aabot sa humigit-kumulang P14 milyon ang epekto nito.

Inihambing ni Villanueva ang taxable income sa rekord ng Bureau of Internal Revenue at ang nasa ulat para sa 2023 hanggang 2025.

Ayon sa senador, nang idagdag niya ang business at professional income ng Bise Presidente, “saktong-sakto ang P14M.”

Iginiit ni Cabrera na hindi makasasama sa Bise Presidente ang dobleng bilang. Nang suriin niya ito, inakala raw niyang “makakabuti naman ito sa kanila so idagdag na lang natin.”

Ayon kay Villanueva, mababago ng paulit-ulit na pagdagdag sa sariling kita ng Bise Presidente ang paghahambing sa ulat.

“But you mean to say hindi naka-affect? I wanted to understand. As a senator-judge that’s our duty,” aniya.

Halos walang katapusan ang isang tunay na forensic study. Posible raw na may iba pang hindi idineklarang ari-arian na hindi naisama sa ulat gaya ng ibang sangay ng Jollibee, “kung meron man po.”

“We’re erring on the side of conservatism,” dagdag niya.

Itinuro din ni Villanueva ang magkaibang halaga ng iisang corporate income sa wealth table at tax table ng ulat.

Tinanong din ng senador kung may dokumentong nagpapakitang natanggap mismo ng mag-asawa ang pera ng mga kumpanya bilang personal na kita, o proportionate share lang ang ginamit sa ulat.

Sagot ni Cabrera, kailangan ng mas malawak na forensic study kung bubuo ng kasong kriminal.

“Subalit ang aking engagement sa Senado ay tingnan lamang meron bang wealth manifestly disproportionate sa kanilang income, meron bang evidence na kanilang business interest, tama ba ang SALN,” paliwanag niya.

Inilarawan din niya ang SALN bilang “napaka-awkward.”

Sa cross-examination ng depensa kaninang umaga, inamin ni Cabrera na wala siyang ginamit na dokumento mula sa Bise Presidente o sa asawa nitong si Manases “Mans” Carpio. Hindi rin daw niya nakapanayam ang mag-asawa.