Barbers1

Defense team consistent sa kabiguang pahinain testimonies ng mga testigo–Barbers

Mar Rodriguez Oct 12, 2026
22 Views

BINIGYANG-DIIN ni House impeachment team adviser Robert Ace Barbers na nananatiling “consistent” ang kampo ng depensa sa kabiguan nilang pahinain ang testimonya ng mga testigo ng prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sinuri ni Barbers ang pagtatanong ng abogadong si Atty. Kristine Ferrer sa forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera na nagsuri sa mga rekord pinansyal na nauugnay sa Bise Presidente at sa asawang si Atty. Manases Carpio.

“Sa tingin ko very consistent ang lawyers sa defense panel. Consistent sila na hindi nila nagigiba ang witnesses,” dagdag niya.

Batay sa ulat ni Cabrera, umabot sa P817.87 milyon ang nakuwentang yaman na hindi umano maipaliwanag at iniuugnay kina Duterte at Carpio para sa 2022 hanggang 2025.

Pinagsama sa pagsusuri ang mga rekord tungkol sa mga balanse sa bangko, insurance, pamumuhunan, interes sa negosyo, at mga dokumento sa buwis na tinalakay sa mga pagdinig.

Ayon kay Barbers, hindi naging malinaw sa kaniya ang direksiyong tinatahak ng mga tanong ng depensa sa isinagawang cross-examination kay Cabrera.

Muling binanggit ng tagapagsalita ang kaniyang obserbasyon sa naging palitan ng mga tanong at sagot sa pagdinig.

“Parang habang pinakikinggan natin ang kanilang pagtatanong, nanguhula kami kung saan papunta,” aniya.

Sa kanyang pananaw, dapat direktang nakatuon ang mga tanong ng depensa sa mga natuklasan sa ulat pinansyal ni Cabrera, lalo na sa mga halagang nakasaad dito at sa mga konklusyong inilabas ng analyst.

“Again, they were not directly asking questions pertaining to the findings,” pahayag pa ng dating kongresista.

Ipinahayag din ng impeachment adviser ang kaniyang pagkadismaya sa haba at direksiyon ng pagtatanong sa testigo.

“Parang tinorture tayo dito para pakinggan ang mga ganong klaseng tanong,” ani Barbers.

Tinukoy rin niya ang ilang tanong na, ayon sa kaniya, ay tila walang direktang kaugnayan sa pangunahing usaping sinusuri.

“Questions that sometimes are irrelevant to me,” dagdag niya.

Nauna nang itinakda ng panel ng prosekusyon si Cabrera bilang huling testigo nito kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.

Patuloy na sinusuri ang kanyang ulat at inaasahang ang mga susunod na pagtatanong at mga tagubilin ng impeachment court ang magtatakda sa mga susunod na hakbang sa paglilitis.

Ayon kay Barbers, ang mahalagang dapat masuri sa cross-examination ay ang mga natuklasan sa ulat pinansyal at ang mga dokumentong pinagbabatayan ng mga ito.

Nang muling tanungin kung may nakita siyang mas malinaw na direksyon sa pinakahuling pagtatanong ng depensa, pabirong ibinalik ni Barbers ang kanyang puna sa umano’y pagiging konsistent ng mga abogado nito.

“So in fairness to them, they are very consistent,” ani Barbers.