Barbers

Pondo galing ibang bansa ni VP Sara maaring maging banta sa seguridad–Barbers

Mar Rodriguez Oct 12, 2026
29 Views

TolosaNAGBABALA ang House prosecution team na maaaring magbanta sa pambansang seguridad ang pagpasok ng pondong mula sa ibang bansa sa Cale88 Foods Corp. kung mapatutunayang ginamit ang mga ito upang pondohan ang mga gawaing pampulitika ni Vice President Sara Duterte, ayon kayimpeachment adviser at trial spokesperson Robert Ace S. Barbers.

Ayon sa kanya, nakasalalay sa ebidensiya at resulta ng karagdagang imbestigasyon kung may kaugnayan ang nasabing pondo sa mga aktibidad pampulitika ng Bise Presidente.

Samantala, sinabi ni Private Prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr. na kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon, maaari itong makaapekto sa pagiging karapat-dapat ni Duterte na manatili sa kaniyang posisyon bilang bise presidente.

Inihayag nina Barbers at Tolosa ang kanilang mga pahayag sa press conference ng prosekusyon noong tanghali ng Oktubre 12, kasunod ng tanong tungkol sa mga remittance mula sa China na natanggap ng Cale88, isang kumpanyang iniuugnay sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio.

Isang araw bago nito, nagbabala rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon tungkol sa pondong mula sa China na iniuugnay sa Bise Presidente, maaari itong magkaroon ng seryosong implikasyon sa pambansang seguridad.

“Ito ay may serious national security implication,” ani Barbers.

Ipinaliwanag niyang posibleng maging usapin ang paggamit ng naturang pondo sa mga gawaing pampulitika, ngunit binigyang-diin na kailangan munang mapatunayan ang koneksiyon nito sa pamamagitan ng matibay na ebidensiya.

“Kaya kung ito ay mapapatunayan at may mabigat na ebidensyang magpapatunay na talagang may tinanggap na pera,” pahayag ni Barbers.

Idinagdag niya na kailangang masusing imbestigahan kung ang malaking halagang pumasok sa naturang kumpanya ay ginamit o inilaan para sa mga gawaing pampulitika ng Bise Presidente.

Ayon kay Barbers, mahalagang matukoy ang pinagmulan ng pera, ang layunin ng pagpapadala nito, at kung saan talaga ito napunta.

Samantala, binigyang-diin ni Tolosa na kailangang mapatunayan muna ang mga alegasyon bago isaalang-alang ang mga posibleng implikasyon nito sa pambansang seguridad.