Tulfo

Cale88 walang imbentaryo pero malaki perang dumadaan–testigo

23 Views

WALANG imbentaryo ng raw materials ang Cale88 Foods Corp. kahit malaki ang perang pumapasok at lumalabas dito, ayon sabi ng testigo ng prosekusyon kay Senator-judge Raffy Tulfo Lunes.

Iniuugnay ng forensic report ng prosekusyon ang kumpanya sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases “Mans” Carpio.

Sinagot ng financial forensic analyst ng prosekusyon na si Atty. Alexander B. Cabrera ang mga tanong ni Tulfo matapos ang cross-examination ng depensa, sa ika-38 araw ng impeachment trial sa Senado.

Unang tinanong ni Tulfo kung saang mga bansa dinadala ang produkto ng Cale88, at kung may receivables at payables ito.

Ayon kay Cabrera, walang imbentaryo ng raw materials o work in process ang kumpanya, kahit malaki ang perang dumadaan dito.

“Hindi po tiniklingan, tatawagin pong revolving door. Pagpasok po ng pera, lumalabas po,” paliwanag ng forensic expert.

Inamin niyang hindi niya nasundan ang ilang sagot.

Sunod na tinanong ni Tulfo kung nasuri ang mga kagamitan ng kumpanya sa paggawa ng banana chips. Inusisa rin niya kung tugma ang singil sa kuryente at iba pang utility bills sa dami ng produkto at perang bumabalik dito.

Ayon kay Cabrera, may “tina-target na cost of sales” ang Cale88 “para po hindi masyado malaking income nila.”

Kaya raw inihambing ito ng kanyang team sa lima o anim na exporter na kapareho ng negosyo, na may humigit-kumulang P200 milyong taunang kita. Ginamit nila ang tinatawag na transfer pricing with comparable transactions.

May imbentaryo ng raw materials ang mga exporter na ito, malalaki ang receivables at payables, at may sariling mga gusali, ani Cabrera. Wala raw ganitong gusali o improvements ang Cale88.

Huling itinanong ni Tulfo kung sinuri ni Cabrera ang mga rekord ng Cale88, at kung tugma ang dami ng produktong ini-export sa perang pumapasok. Napunta na ang pagtatanong kay Senator-judge Joel Villanueva bago pa makasagot si Cabrera.

Sa cross-examination ng depensa kaninang umaga, sinabi ni Cabrera na financial statements lang ng Cale88 ang hawak niya. Wala raw siyang nakitang loan document o transaction record ng kumpanya.

“Only the financial statements, sir,” aniya.

Gamit ang 47.5 porsiyentong ownership share, tinaya ng ulat ni Cabrera ang umano’y advances ni Carpio sa Cale88: P8.7 milyon noong 2022, P9.5 milyon noong 2023, P11.1 milyon noong 2024 at P9.5 milyon noong 2025.

Isa rin ang Cale88 sa tatlong kumpanyang isinantabi ni Cabrera ang hiwalay na corporate personality, sa pagkuwenta ng umano’y hindi idineklarang kita ng mag-asawa.