Calendar
SUV vs motor; 1 pumanaw
ANTIPOLO CITY–Dedo ang isang 30-anyos na rider matapos makipagpukpukan nang harapan ang kanyang motorsiklo sa isang SUV sa Marilaque Highway sa Barangay San Jose, lungsod na ito, Biyernes ng gabi.
Dead on Arrival (DOA) ang biktima na si Kevin, 30, residente ng Sitio Sumilang, Brgy. San Jose, Antipolo City, ayon kay ni Dra. Sherine Shane Donor sa Cabading Hospital dahil sa matitinding pinsala sa katawan.
Kasalukuyan namang nakakulong sa Antipolo Component City Custodial Facility at nahaharap sa kaukulang kaso ang drayber ng SUV na si Jordan, 29, mekaniko at residente ng Vista Verde Bansa, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang karumal-dumal na aksidente humigit-kumulang 11:45 ng gabi noong Oktubre 9, 2026.
Sinasabing binabagtas ng Mitsubishi Xpander (NLD 3432) na minamaneho ni Jordan ang kalsada patungong Baras mula Masinag ng aksidenteng makasalpukan ang itim na scooter motorcycle ng biktimang si Kevin.
Kapwa nagtamo ng malalaking pinsala ang dalawang sasakyan sanhi ng matinding salpukan.
Agad namang inaresto at binasahan ng kanyang mga karapatang konstitusyonal si Jordan habang inihahanda ng mga awtoridad ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property laban sa kanya.
