Garin1

Panawagan ni Garin: Mga POGO i-ban sa PH

Mar Rodriguez Sep 16, 2022
282 Views

BINIGYANG DIIN ngayon ng isang Visayas Lady solon na panahon na para palayasin at ma-ban sa Pilipinas ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) bunsod na rin ng sunod-sunod na insidente ng kidnapping, pagdukot at iba pang illegal na aktibidades na kinasasangkutan mismo ng mga Chinese nationals.

Nananawagan si Iloilo 1st Dist. Cong. Janette L. Garin, Vice-Chairman ng House Committee on Appropriations, sa mga kapwa kongresista at maging sa Senado na gumawa o magbalangkas ng isang hakbang para tuluyan ng ma-ban sa bansa ang POGO.

Sinabi ni Garin na ang serye ng kidnapping, pagdukot at pang “illegal activities” na kinasasangkutan mismo ng mga Chinese nationals ang nagiging dahilan upang unti-unting magpulasan sa Pilipinas ang mga malalaking foreign investors at mga big time na negosyante.

Iginigiit ni Garin na ang ganitong mga insidente ay nagdudulot aniya ng matinding epekto sa ating ekonomiya at dumudungis din sa imahe ng Pilipinas sa mata ng “international community” na isa rin sa mga dahilan para umiwas ang mga “foreign investors” at malalaking negosyante na maglagak ng kanilang puhunan sa bansa.

Ipinaliwanag pa nito na bagama’t unti-unti ng nakakabangon ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa pagkakalugmok bunsod ng COVID-19 pandemic. Subalit muli na naman itong nasasadlak dahil sa mga illegal activities na kinasasangkutan ng mga “Chinese nationals” na nagtataboy sa mga dayuhang mamumuhunan at mga negosyante.

Idinagdag pa ni Garin na dahil sa mga kabulastugan at illegal na gawaing kinasasangkutan mismo ng mga Chinese nationals, nagkakaroon tuloy ng masamang imahe ang Pilipinas. Kung saan, ang nagiging impresyon ng ibang bansa sa Pilipinas ay delikado dito at hindi ligtas ang mga dayuhang bumibisita o nagtutungo sa ating bansa.

“Now that we are opening up our economy and kidnapping and human trafficking headlining our daily news. It is driving away investors considering that its creating a misinformation that the Philippines is not safe,” sabi ni Garin.