Calendar
Panawagang magkaisa nina BBM, Mayor Sara dininig ni Tarlac City Mayor Angeles
TUMUGON si Tarlac City Mayor Cristy Angeles sa panawagan nina UniTeam presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte na magkaisa para sa pagbangon ng bansa.
Kumpiyansa rin si Angeles na mananalo sina Marcos at Duterte hindi lamang sa kanyang siyudad kundi sa buong lalawigan ng Tarlac.
Si Duterte ay ipinakilala ni dating Tarlac Representative at ngayon ay senatorial candidate na si Gilberto “Gibo” Teodoro Jr.
“Napakadaling lapitan, siya po’y mapagkumbaba, siya po ay may tapang, hinirang po siya bilang most outstanding mayor at kauna-unahang kababaihan na naging mayor ng Lungsod ng Davao, siya po ay nagmando ng Davao upang maging most competitive city sa buong Pilipinas. Siya po ay napakabuti ng puso sa aming lahat na miyembro po ng UniTeam,” sabi ni Teodoro.
Sinabi ni Teodoro na ang Inday ay salitang Bisaya na pagtawag ng may “respeto na may halong pagmamahal, termino ng respeto.”
Nagpasalamat naman si Duterte sa mainit na pagtanggap ng Tarlac sa UniTeam.
“Sa inyong lahat, maraming salamat sa oras at oportunidad na ibinigay ninyo sa amin ngayong umaga na ito na makasama kayo, makilala kayo at makapagbigay ng mensahe para sa inyong lahat,” sabi ni Duterte.
Sinabi naman ni Marcos na ang pagtitipon ng mga tao sa Tarlac City ngayong Abril 2 para pakinggan ang kanilang mensahe ang pinakamalaki kumpara sa mga nauna nitong pagbisita.