Calendar

Pangangalaga sa Talisay watershed, ARBs pagtutulungan ng 3 ahensya ng gobyerno
NAGTULONG-tulong ang tatlong ahensya ng gobyerno para pangalagaan ang Talisay Watershed at ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa rural areas sa Camarines Norte.
Pinangunahan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kolaborasyon katuwang ang Department of Agriculture; Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa naturang inisyatibo.
Ayon kay DAR Region V Director Reuben Theodore C. Sindac, bumuo ang DAR ng plano para mas mapakinabangan ang mga likas na yaman—mula bundok hanggang dagat—habang pinoprotektahan ang kalikasan at pinapalakas ang kabuhayan ng mga mamamayan.
Nabuo ang naturang plano sa isinagawang apat na araw na workshop para sa Talisay Watershed Convergence Area Development Plan (CADP) na pinangunahan ni Sindac.
Tinalakay sa workshop ang paggamit ng “ridge-to-reef” na pamamaraan, kung saan isinasaalang-alang ang maayos na pagpaplano mula sa kabundukan hanggang sa baybayin.
Layunin nitong mapangalagaan ang kalikasan habang pinapabuti rin ang kabuhayan at kabuuang pamumuhay ng mga magsasaka at mga pamayanang rural.
Lumahok ang DAR-Camarines Norte sa Talisay Watershed Convergence Area Development Plan Workshop sa ilalim ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD) sa Nathaniel Hotel, Daet, Camarines Norte.
“Ang convergence initiative patunay na kapag nagtutulungan ang iba’t- ibang ahensya ng pamahalaan, nagiging mas epektibo at pangmatagalan ang kaunlarang hatid sa kanayunan.
Sa pamamagitan ng pagkakaisa—pagsasama ng mga pondo, pag-aayon ng mga prayoridad at pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan—nagiging mas buo, inklusibo at makabuluhan ang ating mga programa,” ani Sindac.
Ang Talisay Watershed ang ikalawang convergence area sa Bicol sa ilalim ng NCI-SRD, kasunod ng matagumpay na proyekto sa Pili Watershed sa Sorsogon.
Layon ng proyekto na magbigay ng mas mahusay na suporta sa ARBs tulad ng pagsasanay, access sa mga programa ng gobyerno at tamang paggamit ng lupa—para sa mas matatag at masaganang pamayanan.
Alinsunod sa NCI-SRD Resolution No. 3, Series of 2018, naatasang magtatag ng hindi bababa sa isang convergence area ang bawat rehiyon.
Sa pamumuno ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III, patuloy ang pakikipagtulungan at pagbibigay-lakas sa mga magsasaka para sa pangmatagalang kaunlaran sa kanayunan.