Kiko

Pangilinan nais na matik pagkansela sa import permit pag lumampas sa delivery date

96 Views

IMINUNGKAHI ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na dapat baguhin ang patakaran para awtomatikong mabawi ang agricultural import permit kapag hindi natupad ang delivery date.

Binuksan ng kanyang komite ang imbestigasyon sa dalawang hinihinalang tangkang pagpupuslit ng bigas sa Davao at Bataan.

Kinuwestiyon ni Pangilinan kung bakit valid pa rin ang isang import permit kahit lumampas na ang July 31 delivery deadline sa kontrata. Ipinunto niya ang kakulangan ng ugnayan ng mga kinauukulang ahensiya.

“Pero sa inyo, hindi pa expired yung kontrata. Wala kayong group chat? Can you amend the regulation so that it is clear that when the permits have delivery dates are not complied with, it is automatically revoked?

Kasi diyan ang nangyayari. May valid permit pero iba na yung kontrata. Iba-iba yung patakaran,” aniya.

Saklaw ng pagdinig ang dalawang barkong naharang noong Setyembre na may kargang tinatayang 20,000 metriko tonelada ng bigas mula Vietnam. Ayon sa tanggapan ni Pangilinan, aabot ito sa humigit-kumulang P700 milyon.

Tinangkang umalis sa Port of Davao ng MV Tay Son 2, na may 12,500 metriko tonelada ng bigas, nang hindi natatapos ang proseso ng Customs. Dahil dito, hinarang at hinuli ito ng Philippine Navy sa laot.

Nasabat naman sa Port of Limay sa Bataan ang MV Lucky Star, na may halos 7,500 metriko tonelada ng bigas, matapos lumabas na hindi tugma ang import permit nito sa aktuwal na karga.

Una nang binanggit ni Pangilinan ang dalawang insidente sa budget hearing ng Department of Agriculture (DA).

Aniya, may paulit-ulit na pattern ng pagpapapasok ng mga ahensya ng imported na produktong agrikultural sa panahon ng anihan.

Iginiit naman umano ng DA na ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagkansela sa import clearance ng kargamento ng MV Tay Son 2 bago pa dumating ang barko.

Pinalagan din umano ng kalihim ang mga pahayag na nagpapahiwatig ng katiwalian sa DA.

Binanggit ni Pangilinan ang 60-day rule ng DA. Sa ilalim nito, dapat makaalis sa port of origin ang mga produktong agrikultural sa loob ng 60 araw, at hindi dapat ilabas ang mga ito kasabay ng lokal na anihan para hindi bumagsak ang presyo ng ani ng mga magsasaka.

Ayon sa senador, maaaring pababain ng mga ipinuslit na produkto ang farmgate price, o ang presyong natatanggap ng magsasaka sa kanyang ani. Maaari rin daw itong magpahina sa lokal na produksiyon at maglagay sa alanganin sa mga lehitimong negosyante at importer.

Binanggit din niya na ang Pilipinas na ang pinakamalaking rice importer sa mundo. Aniya, ang labis na pag-asa sa imported na bigas ay nagpapataas sa rice inflation, na nagtutulak naman pataas sa pangkalahatang inflation.